‘HIT AND RUN’ NG CHINESE VESSEL SA FISHING BOAT NG PINAS INIIMBESTIGAHAN

recto bank12

(NI NICK ECHEVARRIA)

INIIMBESTIGAHAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command ang banggaan sa pagitan ng isang Chinese fishing vessel at ng naka-angklang Filipino fishing boat.

Nais matiyak ng AFP kung aksidente lamang o sinadyang binangga ng barkong pangisda ng China ang lumubog na FB Gimver 1 ng mga 22 mangingisdang Filipino noong nakalipas na June 9 subalit naireport lamang nitong Miyerkoles.

Ayon sa tagapagsalita ng AFP Western Command na si Lt. Col. Stephen Penetrante, kung pagbabasehan ang report na kanilang natanggap malayo sa aksidente ang nangyari dahil sa umiiral na standard operating procedure dapat tumigil ang kasalubong na barko kapag may nakitang naka-angklang fishing vessel.

Hindi rin dapat basta na lamang iniwan ng mga crew ng Chinese fishing vessel sa halip ay sinagip sana ng mga ito ang mga sakay ng FB Gimver 1 habang papalubog makaraang ang banggaan.

Idinagdag pa ni Penetrante na lumalabas na ‘hit-and run’ ang ginawa ng barkong pangisda ng China makaraan nitong takasan at iwan na lang basta ang FB Gimver 1 na sinasakyan ng mga mangingisdang Filipino.

Ang mga Vietnamese sa kanilang fishing vessel ang sumaklolo sa mga Pinoy na nagpalutang-lutang sa dagat.
Mariin namang kinondena ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang ginawa ng Chinese fishing vessel at tinawag na isang karuwagan ang ginawang pagtalikod sa mga Filipinong mangingisda na tila walang nangyari.

224

Related posts

Leave a Comment