HOUSE PANEL NAGLABAS NG SUBPOENA SA IMPEACHMENT CASE NI VP SARA

INAPRUBAHAN ng House Committee on Justice ang pagpapalabas ng mga subpoena bilang bahagi ng imbestigasyon sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, partikular sa alegasyon ng “unexplained wealth.”

Sa botong 34-1, pinayagan ng komite ang pag-isyu ng subpoena duces tecum sa Office of the Ombudsman upang isumite ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte para sa mga taong 2007–2013, 2016–2022, at 2022–2025.

Naglabas din ng subpoena sa National Bureau of Investigation (NBI) upang makuha ang mga rekord kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 2024.

Sa hiwalay na botohan (29-1), inaprubahan din ang subpoena laban kay Ramil Lagunoy Madriaga, na umaming bagman ni Duterte, upang isumite ang kanyang affidavit na may petsang Nobyembre 29, 2025, at iba pang kaugnay na dokumento sa umano’y pamamahagi ng confidential funds.

Kasama rin sa iisyuhan ng subpoena si Atty. Cynthia Viñas-Pantonal, ang notary public ng naturang affidavit.

Inatasan din ang House Committee on Good Government and Public Accountability na isumite ang transcript ng mga naunang pagdinig hinggil sa confidential funds.

Maglalabas din ng subpoena sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga umano’y benepisyaryo ng confidential funds, matapos lumabas na ang ilan sa mga pangalan ay walang kaukulang birth records.

Ground rules itinakda

Naglatag din ang komite ng mga panuntunan para sa pagdinig upang matiyak ang maayos at episyenteng proseso.

Ayon kay Vice Chairperson at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, ang impeachment ay isang “extraordinary constitutional process” na nangangailangan ng disiplina at paggalang sa rule of law.

Sa ilalim ng mga patakaran, one-fifth ng kabuuang miyembro ang bubuo sa quorum, at may karapatang bumoto ang mga ex officio members.

Bibigyan ng tig-lilimang minuto ang bawat miyembro para magtanong, at ang mga committee members lamang ang maaaring magsagawa ng cross-examination. Limitado rin ang papel ng mga abogado sa pagbibigay lamang ng payo sa kanilang kliyente.

Inisnab ni Sara

Hindi dumalo si Vice President Sara Duterte sa unang araw ng pagdinig ng House Committee on Justice.

Ayon kay Committee Chairperson Gerville Luistro, inimbitahan ang Bise Presidente na dumalo at ipagtanggol ang sarili ngunit hindi ito sumipot.

Sinabi ni Luistro na ang hindi pagdalo sa pagdinig ay maaaring magkaroon ng implikasyon batay sa umiiral na jurisprudence sa mga nakaraang impeachment cases.

Iginiit din nito na pananagutan ang inaasahan ng publiko at hindi pag-iwas.

Sa kabila nito, tiniyak ng komite na magpapatuloy ang pagdinig at hindi maaantala ang proseso ng impeachment.

(TINA MENDOZA)

68

Related posts

Leave a Comment