HOUSE TO HOUSE NG TEAM NI YORME DINUMOG

DINUMOG ng mga residente si dating Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso nang magsagawa ng house-to-house campaign sa tatlong barangay sa Tambunting, Sta.Cruz, Maynila noong Martes, Abril 1.

Sa kanyang pagbabahay-bahay, hindi naitago ng mga residente partikular ang mga lolo’t-lola ang kanilang pagkasabik na makita ang dating alkalde.

Karamihan ay hindi naiwasang yumakap at humalik kay Domagoso sa sobrang tuwa na muli nilang nakadaupang-palad ang minamahal nilang alkalde.

Kasabay ng paghiyaw ng mga tagasuporta na naniniwala sa magandang nagawa ni Domagoso sa lungsod at sa mga Manilenyo, umaasa silang makababalik siya para maramdaman muli ang kanilang mga benepisyo at kaginhawaan sa kanyang pamumuno.

“Panalo na yan, hindi na kailangan pang mangampanya , matulog nalang”, sigaw ng mga residente na natuwa sa presensya ni Yorme sa kanilang barangay.

Kasama ni Domagoso sa house-to-house campaign si vice mayoralty candidate Chie Atienza at kanyang buong slate.

Nakatakda ring mag-house-to-house campaign ang Yorme’s Choice sa iba pang bahagi ng Maynila sa mga susunod pang mga araw.

Si Domagoso ay nangunguna sa pinakahuling survey ng OCTA Research para sa 2025 local elections sa Maynila.

Ayon sa OCTA Research, kahit pa pagsamahin ang numero ng kanyang mga katunggali ay hindi pa rin aabot sa numero ng top survey contender na si dating Mayor Isko Moreno.

(JOCELYN DOMENDEN)

44

Related posts

Leave a Comment