AGAD nilinaw ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na masusi at maigting na nakasubaybay ang DND maging ang Armed Forces of the Philippines, sa sitwasyon sa Gitnang Silangan kasama ang DFA, DMW, at iba pang mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Defense Spokesperson, Asec. Arsenio R. Andolong, sa kasalukuyan, ang gulo ay nananatili lamang sa Gitnang Silangan at walang inaasahang direktang banta sa ating teritoryo, maging sa mga Pilipino at dayuhang nasa bansa.
Subalit nanatili ring handa ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan kasama na ang paglikas sakaling ito ay ipag-utos.
Nagpaalala rin ang DND sa sambayanan: “Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag laban sa dis-impormasyon at kinokondena natin ang mga pagpapalaganap ng takot sa ganitong mga pagkakataon.”
Ayon pa kay Andolong, nakahanda ang DND at ang AFP na tumugon sa mga posibleng mangyari, kabilang ang posibleng suporta sa paglikas at koordinasyon sa pagtugon sa krisis para sa mga Pilipino sa mga apektadong bansa, kung kakailanganin batay sa sitwasyon.
“Ang proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat ay ating pangunahing prayoridad, lalo na sa gitna ng mabilis at nagbabagong kalagayang panseguridad,” aniya.
“The AFP assures the public that national security conditions remain stable. The public is encouraged to remain calm, exercise vigilance against disinformation, and rely only on verified government sources,” paalala naman ni Col. Xerxes Trinidad, AFP Public Information Office chief.
Nilinaw rin ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na sa kasalukuyan, nananatiling limitado sa rehiyon ng Gitnang Silangan ang tensyon.
“Nanawagan kami sa publiko na manatiling kalmado, maging mapanuri, at umasa lamang sa mga opisyal na channel para sa tamang impormasyon. Ang pagpapakalat ng hindi beripikadong ulat at disimpormasyon ay nagdudulot lamang ng hindi kinakailangang pangamba,” babala ni Col Padilla.
Kaugnay nito, nanatiling nakaantabay ang AFP upang suportahan ang tugon ng pambansang pamahalaan kung sakaling kailanganin ng sitwasyon.
“Sa utos, handa kaming tumulong sa mga humanitarian missions, evacuation efforts, at posibleng repatriation operations para sa mga Pilipino sa mga apektadong lugar. May nakahandang mga contingency measures upang matiyak ang maagap at koordinadong aksyon.”
(JESSE RUIZ)
4
