HUSTISYA SA PINAS NAIIMPLUWENSYAHAN NG MGA POWERFUL?

DUDA ang mga kaalyado ni dating Sen. Leila de Lima sa Kamara na naiimpluwensyahan ng mga makapangyarihang tao sa lipunan ang hustisya sa bansa.

“Denying bail to Senator De Lima, despite her poor health condition and the lack of evidence against her, is a clear indication that justice in this country is influenced by powerful interests,” ani House Deputy Minority Leader, Rep. France Castro.

Hindi nagbanggit ng pangalan ang mambabatas kung sino ang kanyang tinutukoy subalit si De Lima ay kilalang vocal critic sa ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi aniya puwedeng itanggi ng gobyerno na ang mga kasong isinampa ng Duterte administration laban kay De Lima ay politically motivated dahil sa imbestigasyon ng dating senador sa extrajudicial killings.

“We strongly condemn the continued persecution of critics and opposition leaders who dare to stand up against the government’s anti-poor policies,” ayon pa sa mambabatas.

Labis ding nadismaya si Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman sa pagtanggi ng Muntinlupa Regional Trial Court na makapag-bail si De Lima sa huli sa tatlong kasong isinampa laban sa kanya.

Naabsuwelto na si De Lima sa unang dalawang kaso na ayon kay Lagman, ay pareho ang mga ebidensya kaya hindi nito maitago ang kanyang pagkadismaya sa desisyon ng Korte.

Bukod dito, hindi umano umubra kay De Lima ang mga taktika na ginawa ni dating Sen. Juan Ponce Enrile na pinayagan ng Korte Suprema makapag-piyansa sa kanyang plunder case sa kadahilanan tulad ng “presumption of innocence; voluntary surrender; not being a flight risk; and fragile health”.

“All of these standards apply to De Lima. She enjoys the presumption of innocence, she peacefully surrendered, is definitely not a flight risk, and her failing health condition should not approximate impending death for her to be granted temporary liberty,” ani Lagman.

Hindi rin umano in-apply ng korte ang dahilang ginamit ni Atty. Gigi Reyes na pinayagang makalaya dahil sa paglabag umano sa kanyang “constitutional right to speedy trial” gayung anim na taon na si De Lima sa kulungan. (BERNARD TAGUINOD)

310

Related posts

Leave a Comment