HANGGANG ngayon ay wala pang desisyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mungkahing ipagbawal ang caroling sa buong bansa pagsapit ng simbang gabi sa Disyembre para maiwasan ang anumang hawaan ng covid19.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bagama’t hindi pa ito pinagpapasiyahan ng IATF, ay naniniwala siya na mayroong siyensiya sa likod ng bagay na ito.
Hindi aniya kasi maiiwasan na magkaroon ng pagtitipun-tipon ang mga carolers upang umikot sa mga bahay-bahay.
Sa ganitong pagkakataon aniya ay hindi maiiwasan na kapag kumanta na ang mga carolers ay siguradong may tatalsik at kakalat na laway na siyang isa sa pangunahing dahilan ng impeksyon o pagkahawa sa virus o COVID19.
Samantala, tiniyak ng Malakanyang na konting tulog na lang ay magkakaroon na ng bakuna ang Pilipinas.
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Huwebes (Nobyembre 5), ang Philippine National Vaccine Roadmap na prinisenta ni National Task Force Chief Implementer at ngayon ay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Inilatag ni Presidential spokesperson Harry Roque ang salient points ng roadmap kung saan kabilang na ang kaligtasan o safety; bisa o efficacy; sensitivity at cost and complexities ng supply chain requirements.
Isa pa aniyang konsiderasyon ay ang access para sa clinical trials at regions ng local production and distribution, kasama rin ang complexities sa ground preparation and implementation.
At ang panghuli aniya ay ang ‘world supply and demand on vaccines.’ (CHRISTIAN DALE)
