TULOY na ngayong umaga (Lunes) ang virtual special session ng dalawang Kapulungan ng Kongreso para pagkalooban ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagharap sa coronavirus disease o COVID-19.
“Congress will be granting President Rodrigo Duterte the authority to specifically realign government funds for food, allowances to help the affected families, boost the medical requirements of the people and protection of those who are in the frontline especially our doctors, nurses and all medical personnel,” ani House majority leader Martin Romualdez.
Subalit sa panukalang batas na inakda ni Albay Rep. Joey Salceda na siyang tatalakayin sa special session, hindi lamang ang kapangyarihan na ire-align ang mga pondo ng gobyerno kasama na ang government owned and control corporations (GOCC) para magamit sa anti-COVID campaign kundi ang pag-takeover sa mga pribadong sasakyan at mga negosyo na nakaaapekto sa publiko.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang pangulo na iregulate ang energy supply kasama ang operasyon ng public at private transportation at trapik sa lahat ng lansangan.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang pangulo na huwag munang ipatupad ang procurement law upang mabilis na mabili ang lahat ng kailangan at serbisyo tulad ng medical supplies, pagrenta ng mga quarantine center at iba pa.
Hindi inoobliga ang mga kongresista na dumalo nang personal sa special session subalit maaari silang sumali sa deliberasyon sa pamamagitan ng “Zoom Cloud Meetings” application.
Ayon kay Romualdez, pipilitin nilang tapusin sa isang upuan lamang ang mga panukalang batas ng Executive department upang maipatupad agad ito dahil kailangan na kailangan ng mga tao ang tulong mula sa gobyerno.
Ito ang unang pagkakataon na magsasagawa ng virtual special session dahil imposibleng makabuo ng quorum sa gitna ng social distancing na ipinatutupad ng gobyerno bilang bahagi ng pagkontrol sa COVID-19. BERNARD TAGUINOD
