Ibinida ng PNP-PRO5 ANAK NG PRESO PINABINYAGAN NG MGA PULIS

pnp

IBINIDA ng PNP-Police Regional Office 5 ang naging aksyon ng mga tauhan ng PNP Catanduanes 2nd Provincial Mobile Force Company na pabinyagan ang anak ng isang preso at sinagot ang handa para sa binyag.

Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director P/Brig. General Jonnel C. Estomo, lubhang nabagbag ang damdamin ng mga tauhan ng Catanduanes 2nd PMFC sa kalagayan ng isa nilang preso at live-in partner nito.

Naantig umano ang puso ng mga pulis nang matanggap ng liham mula sa isang detainee ng Bagamanoc.

Inihayag ni PNP-PRO5 spokesperson, P/Major Maria Luisa Calubaquib, lumiham ang isang bilanggo upang ipanawagan na tulungan siyang mapabinyagan ang kanyang apat na buwang sanggol na nasa pangangalaga ng person with disability (PWD) nitong live-in partner.

Bunsod nito, nagkaisa at nagpasya ang mga pulis na asikasuhin ang pagpapabinyag sa sanggol at nagkaroon pa ng kaunting salu-salo.

Sinabi ni Asst. Force Commander Pol. Lt. Mark Anthony Eusebio, mismong ang mga pulis ang nagluto ng handa na pinagsaluhan ng mga sumaksi at mga bisita sa binyagan.

Ang higit aniyang nakatataba ng puso ay mga tauhan na rin mismo ng 2nd PMFC ang tumayong ninong at ninang ng naturang sanggol.

Sinabi pa ni Eusebio, masaya sila na makatulong at maibigay ang pangangailangan ng mamamayan kahit sa persons deprived of liberty (PDLs). (JESSE KABEL)

97

Related posts

Leave a Comment