NANAWAGAN ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media kasunod ng pagpapatawag at imbestigasyon sa ilang estudyanteng menor de edad at isang 18-anyos na lalaki dahil sa umano’y firearm-related online posts sa Sultan Kudarat at South Cotabato.
Ayon sa PNP, iniimbestigahan ang mga indibidwal kaugnay ng mga online post at video na umano’y naglalaman ng banta o pananakot.
“Let this be a reminder that social media is not a place to make threats or create fear,” pahayag ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
“Kahit online ginawa ang isang post, hindi ibig sabihin na wala itong epekto sa totoong buhay,” dagdag ni Nartatez.
Una rito, isang 13-anyos na estudyante ang ipinatawag matapos i-report ng isang guro ang mga Facebook post na umano’y nagbabanta ng pamamaril sa Kapingkong National High School sa Lambayong, Sultan Kudarat, na may kalakip na larawan ng baril.
Iniimbestigahan ng Sultan Kudarat PNP kung ano ang nagtulak sa binatilyo na maglabas ng shooting threats laban sa paaralan.
Ayon kay Major Jayson Ortega, hepe ng Lambayong Municipal Police Station (MPS), patuloy na tinututukan ng Sultan Kudarat PNP ang imbestigasyon kay alias “Jaf” ng Barangay Matiompong, Lambayong, kaugnay ng bantang pamamaril sa Kapingkong National High School sa Barangay Kapingkong.
Sumailalim sa counseling ang bata at ang kanyang magulang sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Samantala, tatlo naman ang inaresto sa South Cotabato dahil sa magkakahiwalay na social media posts at videos na umano’y nagbabanta o nananakot sa mga residente sa lalawigan.
Dalawang menor de edad ang inaresto sa Barangay Lamian, Surallah, nitong Linggo matapos matunton ng mga awtoridad kaugnay ng kanilang life-threatening posts online.
Sa hiwalay na operasyon, inaresto rin ang 18-anyos na si Aladin Laki sa bayan ng Tupi matapos umano niyang i-post sa social media ang isang video kung saan may dala siyang baril.
Ginamit umano ng suspek ang account na “MJ Sulaiman” sa naturang post.
Ayon sa police report, ang cellphone na narekober sa suspek ay “believed to have been used in posting the alarming photographs on the social media platform.”
(JESSE RUIZ)
44 