PUNA ni JOEL O. AMONGO
OBYUS na pulitika ang dahilan kaya nais ipa-impeachment ng dalawang grupo si Vice President Inday Sara Duterte at pigilan ito na makatakbo sa 2028 Presidential Election.
Kabilang sa mga grupo na nais patalsikin si VP Duterte ay sina Rep. Antonio Tinio, Liza Masa, Leila De Lima, Antonio Trillanes, Kiko Aquino Dy, ang apo ni dating Pangulong Cory Aquino.
Naniniwala ang mga Pilipino na ang layunin ng dalawang grupo sa kanilang paghahain ng impeachment laban kay VP Duterte ay para palakasin ang kanilang grupo at pahinain ang pangalawang pangulo sa kanyang kandidatura sa 2028 elections.
Sino ba si Antonio Trillanes kay dating Pangulong Rodrigo Duterte? Hindi lingid sa kaalaman ng mga Pilipino na si Trillanes ay nais maging ka-tandem si Pangulong Duterte noong 2016 election subalit tinanggihan ito at ang ginawang ka-tandem na Vice President ay si Alan Peter Cayetano.
Simula noon hanggang ngayon ay galit na galit na si Trillanes sa pamilyang Duterte kung kaya’t hindi nagtataka ang mga Pilipino kung bakit gustong niyang ma-impeach si VP Duterte.
Hindi rin maitatanggi kung bakit galit na galit si Leila De Lima sa mga Duterte dahil nakulong siya noong panahon ni dating President Rodrigo Duterte.
Kung pagbabasehan, ang dahilan ng kanilang impeachment complaint laban kay VP Sara ay mga personal na galit sa pamilyang Duterte.
Napansin din ng maraming Pilipino na minadali ng House Committee on Justice ang impeachment laban kay BBM na sinabing “insufficient in substance”.
Kung pagbabasehan, ang mga ebidensiya laban kay BBM ay ang pagbubulgar ni Sen. Imee Marcos na gumagamit ng cocaine ang pangulo.
At ang trilyones na pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa flood control projects na nagsimula noong 2023, 2024 at ang pinakakorap na 2025 National Budget.
Pinakamabigat din ang isiniwalat ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa kanyang Part 1, 2, 3, 4, 5 at 6 video, na sinabing sina BBM at dating Speaker Martin Romualdez ang utak sa korupsyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni Co na naghahatid siya ng male-maletang pera kina BBM at Romualdez sa mga bahay ng magpinsan.
Idinawit din ni Co sina Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, First Lady Liza-Araneta Marcos at kapatid nitong si Martin Araneta sa maanomalyang flood control projects, at sa importation ng bigas at sibuyas ng magkapatid.
Kay VP Sara ay kinukuwestiyon nila ang confidential funds na mahigit kumulang na isang daang milyong piso na wala pang final report ang Commission on Audit (COA), samantala kay BBM na ang pinag-uusapan ay trilyong piso simula noong 2023, 2024 at hanggang 2025, ay agad ibinasura ang impeachment complaint laban sa kanya.
Nakikita ng mga Pilipino na halata nang may kinikilingan ang mga kongresista sa paghawak ng impeachment laban kay VP Sara kung ikukumpara kay BBM.
Sino si Bicol Saro Rep. Terry Ridon kay dating Pangulong Duterte? Siya lang naman ang tinanggal ni Duterte sa pwesto sa Presidential Commission on Urban Poor (PCUP) dahil sa madalas nitong pagbiyahe sa abroad. Hindi ba pagtatanim ng galit ni Ridon ang ginagawa niya ngayon laban sa pamilyang Duterte?
Ganun ba kababaw ngayon ng mga politikong Pilipino na dahil sa personal nilang galit sa isang dating presidente ay kung ano-ano na lamang ang kanilang gagawin para makaganti sila at para paniwalaan sila ng taumbayan? O baka natatakot sila na kapag naupong Presidente si VP Sara pagkatapos ng 2028 Presidential election, ay malilintikan silang lahat?
Alam ng mga Pilipino na hindi paliligtasin ni VP Sara ang mga korap na government officials kaya hangga’t maaari ay pipigilan ng mga korap na manalo siya sa 2028 Presidential Election.
Kahit ano pang gawin n’yo, kung susuportahan ng mga Pilipino si VP Sara ay wala kayong magagawa, kundi tanggapin ang katotohanan na isinusuka na ng taumbayan ang mga kongresista at iba pang opisyal ng pamahalaan na nagkamal ng pera mula sa kaban ng bayan.
Lahat ng mga Pilipino ngayon ay may access na sa social media kaya kahit anong paninira ninyo kay VP Sara ay hindi na tatalab ‘yan sa kanila. Lumaban kayo nang patas, tignan natin kung mananalo kayo kay VP Sara.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
29
