TAMBULI ni JESSE RUIZ
MARAMI ang naniniwala na ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea ay malaking factor sa papalapit na 2028 National Election dahil marami rin ang naniniwala na may kanya-kanya na ring manok na susugalan ang China at maging ang United States.
Magiging isa sa pinakamainit na usapin ang West Philippine Sea sa magaganap na kampanyahan. Hindi lamang ito tungkol sa alitan sa dagat, kundi tunggalian ng mga partido ng mga nagsasabing sila ay makabayan o kaalyado ng China.
Habang nakasalalay sa mga susunod na mamumuno ng bansa ang pambansang seguridad, kabuhayan ng mga mangingisda, at maging ang direksyon ng ugnayang panlabas ng Pilipinas, nakataya rin ang soberanya ng Pilipinas sa kung sino ang mananalo at sino ang susuportahan ng dalawang super power na tila mga dambuhalang elepante na nagbabanggaan habang nasa paanan ang nagdarahop na mga langgam, Ay!, mga Pinoy pala.
Dito papasok ang tanong kung alin bang partido o sinu-sinong mga kandidato ang may malinaw na plano para ipagtanggol ang karapatan ng bansa? Sino ang pro-China at sino ang maka-Amerikano, sinu-sino sa kanila ang hihingi ng suporta para makatiyak ng panalo sa darating na 2028.
Kaya asahan na rin ang tunggalian ng mga naratibo, labanan ng mga isyu tungkol sa WPS, at pagkalat ng mga pekeng survey pero ang maganda sa lahat, may trabaho na ulit ang troll farms, muling iingay ang social media at hindi mawawala ang impluwensya ng West Philippine Sea na pwedeng gastusan ng mga bansang nagsasabing kaibigan natin sila.
Magiging mahalagang batayan ng mga botante ang posisyon ng bawat kandidato tungkol sa West Philippine Sea. Ang ilan ay maaaring mangampanya na isusulong ang matibay na pagpapatupad ng 2016 Arbitral Ruling at pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa dagat, habang ang iba naman ay posibleng ipagsigawan ang kahalagahan ng diplomasya at pakikipag-usap upang maiwasan ang paglala ng tensiyon. Walang katiyakan kung alin ang higit na tatanggapin ng publiko, ngunit malinaw na magiging bahagi ang West Philippine Sea sa kampanyahan.
Sana rin sa propaganda ng mga partido ay huwag kalimutan ang mga insidente ng paghaharang, paggamit ng water cannon, dangerous maneuver at iba pang komprontasyon sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China.
Ang 2028 election ay tsansa upang timbangin ng mamamayan kung aling uri ng pinuno ang kanilang iluluklok sa poder. Sino ang karapat-dapat na uukit sa kinabukasan ng Pilipinas. Hindi base kung sino ang sinuportahan o ginastusan ng Kano o ng Tsina.
75 