MAHIGPIT na mino-monitor ng National Irrigation Authority (NIA) ang lebel ng tubig sa Pantabangan at Magat dams alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang pagbabantay sa mga dam.
Sa pangunguna ni NIA Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, patuloy na sinusubaybayan ng ahensya ang water level ng dalawang pangunahing dam sa gitna ng sunod-sunod na pag-ulan.
Batay sa pinakahuling ulat, nasa 178.27 meters above sea level ang water level sa Magat Dam sa Isabela, habang 187.72 meters above sea level naman sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, iniulat ng NIA na walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at wala ring naitalang spill discharge.
Sinabi rin ni Guillen na walang malawakang pinsala sa mga taniman ng palay na naitala dahil sa pag-ulan.
Sa halip, naging kapaki-pakinabang ang pag-ulan sa sektor ng agrikultura dahil nakatulong ito sa pagpapalakas ng suplay ng tubig para sa irigasyon.
Ayon kay Castro, batay sa datos ng NIA, kayang patubigan ng Magat Dam ang tinatayang 90,000 ektarya, habang nasa 100,000 ektarya naman ang kayang patubigan ng Pantabangan Dam dahil sa pag-ulan.
Malaking tulong umano ito sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño.
Tiniyak ni Castro na patuloy na imo-monitor ng NIA ang water level ng mga dam sa kabila ng patuloy na pag-ulan.
(CHRISTIAN DALE)
76 