TINIYAK ni Senador Mary Grace Poe na hindi niya palalampasin ang mungkahing P150 bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para makontrol ang mga baha sa bansa hangga’t hindi mapatutunayang tama ang malaking perang ito.
Nagsalita ng ganito si Poe dahil nagulat at nadismaya siya nang malamang higit itong malaki kaysa sa mungkahing P131.22 bilyon na inilaan sa Department of Health (DOH).
Tanong ni Poe: “Bakit malaki ang funding ng flood control projects ng DPWH sa buong budget ng DOH? I just want to clarify kasi ang pondo ng DOH ay P131.22 billion, pero ang pondo ng DPWH for flood control projects ay at least P150 billion.”
Idiniin ni Poe na ang “Environmental factors should not be neglected and there are really some legitimate flood control projects. But there are a few flood control projects that are questionable because it’s hard to keep track of them if they were really done.”
Maging si Senador Panfilo Lacson ay hindi gusto ang paglalaan ng badyet ng Department of Budget and Management (DBM) sa DPWH dahil nadiskubre ng senador na ang P469 bilyong pondo para sa proyektong imprastraktura para ngayong 2020 ay mayroon pinondohan uli para sa 2021.
Ang P150 bilyon na tinumbok ni Poe at P469 bilyon na natukoy ni Lacson ay bahagi ng mungkahing P4.5 trilyong badyet para sa 2021.
Ang naipasang badyet para sa 2020 ay P4.1 trilyon.
Taun-taon na lang ay mayroong nahuhuling kuwestiyonableng pondo sa DPWH. (NELSON S. BADILLA)
143
