INAGURASYON NI MARCOS JR. MAAARING SA ILOCOS O MAYNILA

MAAARING idaos ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30 sa lalawigan ng Ilocos o sa Maynila.

“Yung kay Sir Bongbong naman po, I think it will be either Ilocos or dito po sa area ng Manila,” ayon kay PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr.

“So we are still finalizing kung saan po yung exact location para po malatag ang ating security measures,” dagdag na pahayag nito.

Ang pamilya Marcos ay mula sa Ilocos Norte.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni incoming Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles na wala pang pinal na desisyon kung saan idaraos ang inagurasyon ni Marcos Jr.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Cruz-Angeles na isa ang Quirino Grandstand sa mga lugar na pinagpipilian kung saan gaganapin ang inagurasyon.

“Wala pa po. Of course, as mentioned, tinitignan naman po talaga ang Quirino Grandstand bilang isa sa mga posibleng venue para sa inauguration pero wala pa pong final at wala pa po tayong mga detalye tungkol doon,” pahayag nito.

Dagdag nito, “Pangako ko lang ay, as soon as ma-finalize ang mga plano, ire-release namin sa publiko.”
Nauna nang inihayag ni Senadora Imee Marcos na kabilang din sa mga lugar na maaaring gawing venue para sa inagurasyon ng kapatid ang Rizal Park at Fort Santiago sa lungsod ng Maynila.

(CHRISTIAN DALE)

302

Related posts

Leave a Comment