(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PATOK sa netizens ang parody video ng isang vlogger sa SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes na tinawag niyang “State of Nothing Achieved Address”.
Sa mahigit isang oras na video ni Maharlika na mapapanood sa Youtube, bagaman hinaluan ng katatawanan ay seryoso naman ang mga isyu at pagbubunyag na inilahad nito.
Kanyang inisa-isa ang aniya’y mga kabulastugan ng administrasyon at mga kasabwat nito at ang pambubudol ng pamilyang Marcos, Araneta at Romualdez.
Hindi nakaligtas sa matalas na dila ni Maharlika ang panganay ng mag-asawang Bongbong at Liza na si Rep. Zandro.
Sa time stamp na 41 mins. ng video, binakbakan ng vlogger si Zandro at chief staff nito.
Pagbubunyag ni Maharlika, niregaluhan si Zandro ng Rolex ng designer na si Avel Bacudio na isang paglabag sa RA 6713 o code of conduct and ethical standards of public officials.
Habang ang chief of staff ni Zandro na si Yeye Vivas ay tumanggap umano ng P100 milyon mula kay ‘Jela Pahati’ sa kanilang pag-facilitate ni Avel sa proyektong nakuha nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod aniya sa P100-M para kay Vivas, binigyan din ng P60-M ni Pahati si Avel at kapatid nito.
Hindi rin pinalampas ng vlogger si Unang Ginang Liza Marcos na siya aniyang nagpapatakbo ng gobyerno at hindi si Pangulong Marcos Jr.
Bilang patunay ng pakikialam aniya ni FL Liza sa appointments sa gobyerno, ipinarinig niya ang audio kung saan nilait ng misis ng Pangulo si dating Spokesperson Atty. Trixie Angeles at sinabihang troublemaker, basket case, at ‘crazy’. Sa huli sinabi ng First lady na “she’s not going to be appointed, that is the end of that”.
Inakusahan din niya ang First Lady na naniningil sa appointees, nanghihingi ng diamonds at paintings kapalit ng meet and greet sa gustong magpa-appoint at magnegosyo sa gobyerno.
Nabanggit din ang planong pagtakbo umano ng buong pamilya ng Pangulo sa 2025 election at posibleng gamitin muli ang Smartmatic para masiguro ang kanilang panalo.
Ayon kay Maharlika, sa loob ng anim na taon ay kasama siya ni Marcos na lumaban para ibasura ang Smartmatic dahil sa paniwala nito na dinaya siya noong 2016 election.
Binanggit pa ni Maharlika ang sinabi ni BBM noon na “maliwanag na maliwanag na talagang [ang] Smartmatic ang kanilang binibenta ay hindi election system kundi dayaan system.”
Ngunit sa kabila ng pagbatikos dito ni Marcos noon ay tila wala na siyang planong ibasura ang Smartmatic ngayon.
Sana aniya ay magsalita na ang mga nakasaksi sa pulong ni FL Liza at Hubert Guevarra, deputy executive secretary sa Smartmatic.
Dahil sa nasabing pulong ay kwestyonable aniya ang 31M nakuhang boto ni Marcos Jr. sa nakaraang eleksyon.
Kahapon ay mayroon nang halos 100,000 views ang nasabing video.
