NELSON S. BADILLA
NANINIWALA si Senador Panfilo Lacson na mayroong kikita ng P16.8 bilyon sa pagbili ng bakuna ng Sinovac mula sa China.
Ayon kay Lacson, ang P16.8 bilyon ay ang sobrang halagang ibabayad ng administrasyong Duterte sa 25 milyong doses ng bakuna ng Sinovac Biotech.
Sabi ni vaccine czar Cesar Galvez Jr. sa media ay “sealed the deal” at “locked-in agreement” na ang 25 milyong doses na inorder mula sa Sinovac.
Simula Pebrero 20 ay inaasahang darating ang unang batch na 50,000 doses.
Inulit ni Lacson sa kanyang privilege speech kamakailan na ang presyo ng bakuna ng Sinovac ay P3,692 kung dalawang turok, o P1,814 kada turok.
Anang senador, malayo ito sa presyo ng bakuna ng Sinovac na inialok sa pamahalaan ng Indonesia na P683.30 bawat turok at pamahalaan ng Thailand na P240 kada turok.
Kung ikukumpara, malinaw na napakamahal ng presyo ng bakuna na inialok ng Sinovac sa administrasyong Duterte.
Dahil sa mga presyong ito ng parehong bakuna na kitang-kita na napakalayo ng agwat sa bawat isa, nagpakawala ng ganitong pahayag si Lacson sa nasabing talumpati: “I am not prepared to accuse anyone in particular of corruption. Rather, it defies logic to suspect at least an attempt to overprice the vaccine. Again, when there is an attempt at overpricing, isn’t it also logical to think na may kikita ng limpak-limpak na salapi?”
Ngunit, tinuran ni Lacson na matitipid ng administrasyon ang P16.8 bilyon kung sakaling iatras ni Galvez ang order sa Sinovac.
Binanatan din ni Lacson ang iwinasiwas ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Secretary Harry Roque Jr. na “fake news” ang P3,692 na presyo ng Sinovac.
Ipinaalala ni Lacson na ang nasabing presyo ay galing sa Department of Health (DOH) na ipinarating noong 2020 sa pagdinig ng Senate Finance Committee tungkol sa mungkahing badyet ng pamahalaan para sa 2021.
Ibinisto rin ang maling impormasyon ni Galvez na malaki pa ang maibabawas sa presyo ng bakuna ng Sinovac dahil sa tinatawag na “300% markdown” ng “COVAX facility”.
Idiniin ng senador na hindi totoo ang argumento ni Galvez dahil “As discussed during the [Senate] hearings, the COVAX facility only has an agreement for early roll-out in February with Pfizer-BioNTech vaccine of a limited quantity. COVAX has also secured agreements for AstraZeneca and Moderna, and signed agreements for Johnson & Johnson and Sanofi-GSK”.
“There was no mention of Sinovac. When I asked Sec. Galvez a direct question on whether or not Sinovac is part of the COVAX program, his answer was – nag-a-apply pa lang,” pagsisiwalat ni Lacson.
Ilang araw ang nakalipas, nagbago ng tono si Roque dahil sinabi niya sa media na mababa ang presyo ng bakuna ng Sinovac na inorder ng Pilipinas.
Aniya, malapit ito sa P683.30 na presyong ibingay sa pamahalaan ng Indonesia.
Ngunit, hindi pa rin isinapubliko ni Roque dahil sa kasunduan ng Pilipinas at Sinovac na bawal itong ipaalam sa publiko.
Ang perang ipambabayad sa Sinovac at sa iba pang kumpanyang inorderan ng bakuna ay galing sa buwis na ibinayad ng mamamayan.
Maliban sa isyung napakamahal ng bakuna ng Sinovac na P16.8 bilyon ang sobrang halaga sa ilalabas na pera ng administrasyon, nakapagdududa rin ang bisa nito dahil batay na rin sa naglabasang resulta ng clinical trial sa ibang bansa ay 50 porsiyento lamang ang efficacy rate ng nasabing bakuna na gawa sa China.
