BASURANG GALING HONG KONG NAIBALIK NA

BASURA-HONG KONG

(Ni Joel O. Amongo)

Kung ang itinapong basura ng Canada sa Pilipinas  ay naibalik na sa kanila,  ganundin naman ang basurang ipinasok sa bansa ng Hong Kong.

Ngayong araw  ay ina­asahang darating na sa Hong Kong ang ibinalik na basura sa kanila matapos na  maipasok ito sa bansa.

Noong Hunyo 3, umalis  sa Mindanao Terminal Sub-Port, Tagoloan, Misa­mis O­­riental ang MV SITC Negoya dala ang basura na nakalagay sa 22 sling bags at nasa loob ng 1×40 container.

Ang gastusin ng re-exportation ng shipment ay ipinasagot sa Hong Kong government.

Matatandaang ang nasabing shipment ay naka-consign sa Crowd Win Industrial Limited Corporation na dumating sa Min­danao Container Terminal Sub-Port sa Tagoloan, Mi­samis Oriental noong Ene­ro 2, 2019.

Gayunpaman, noong Pebrero 18, 2019 ay nag-isyu ng alert order si District Collector Atty. Floro Calixihan ng Port of Cagayan laban sa naturang  shipment dahil sa paglabag nito sa Section 1400 (misdeclaration) ng Republic Act No. 10863 o mas kilala sa Customs Modernization and Ta­riff Act (CMTA).

Matapos ang eksaminasyon, natuklasan ang  22 sling bags ng iba’t ibang plastic na basura ang nasa loob ng 1×40 container na deklaradong assorted electronic accessories.

Ang seizure at reexportation ay isinagawa ng BOC sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Mindanao International Container Terminal Services, Inc. at PHIVIDEC Industrial Authority of the Philippines, opisyal  at mi­yembro ng Ecowaste Coalition.

Katuwang din  ang Environment Protection Department of the Hong Kong Special Administrative Region.

130

Related posts

Leave a Comment