DREDGER VESSEL GAMIT SA RIVER QUARRY SILAT

0

APARRI, Cagayan – Kumpiskado sa mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Aparri ang isang dredger vessel na karaniwang gamit sa black sand quarry operations sa mga ilog at maging sa karagatan.

Sa rekomendasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port (CIIS-MICP), sinagasa ng mga tauhan ng BOC Aparri Enforcement and Port Operations kasama ang mga operatiba mula sa hanay ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang maalong karagatan ng Aparri Delta kung saan naroon ang pakay ng operasyon – ang dredger vessel na MV Warrior 6.

Sa loob ng maraming taon, naging maugong ang illegal quarry operations sa nasabing lalawigan para sa black sand na diumano’y binibili ng bansang Tsina para gamitin sa kanilang ginagawang artificial islands sa pinag-aagawang West Philippine Sea.

Nang masipat ang pakay na dredger vessel, agad itong sinabat ng pinagsanib na pwer­sa ng BOC at PNP Maritime Group para ihain ang Warrant of Seizure and Detention order na nilagdaan ni BOC-Aparri District Collector Arienito Claveria sa barkong kinakatawan ni Felito Padayao na tumatayong kapitan ng sasakyang pandagat.

Nagsagawa na rin ng imbentaryo sa mga lulang kalakal ng MV Warrior 6 na nakapiit ngayon sa Cagayan River Offshores
habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa may-ari, operator at kapitan ng nasabing barko.

Isang kinatawan naman ng Sandraw Movers and Development Corporation ang nakipag-ugnayan sa BOC ay pormal na naghain ng manipesto ng pagmamay-ari ng nasabing barko.

Matagal ng problema ang black sand mining sa Cagayan sa kabila ng pagtutol ng mga residente ng nasabing lalawigan.

Ayon sa mga residente, inilalabas ng bansa at ibinebenta sa bansang Tsina ang mga nasabing black sand gamit ang Port Irene sa bayan ng Sta. Ana na kilalang bagsakan noon ng mga segunda-manong sasakyan.

Taong 2013 nang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang nasabing lalawigan bunsod ng reklamo sa malawakan at ilegal na pagmimina ng black sand ng mga negosyanteng Tsino. Labingwalo ang arestadong Tsino sa nasabing operasyon.
(JOEL AMONGO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment