Hataw sa midyear collection P76B PASOK PARA LANG SA HUNYO

Ni JOEL O. AMONGO

BAGO tuluyang bumaba sa pwesto, nakalikom ng record-breaking koleksyon ang kawanihang mandato’y pangasiwaan ang paglikom ng taripa at buwis na kalakip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

Sa datos ng BOC-Financial Service, tumataginting ng P76.290 bilyong piso ang pumasok na pondo sa BOC sa buwan ng Hunyo – higit na malaki ng P20 bilyon (katumbas ng +35%) kumpara sa P56.287 bilyong target para sa naturang buwan sa kalagitnaan ng taon.

Hinigitan din ng naturang koleksyon ang P70.778 bil­yong naitala naman nito lamang Marso ng kasalukuyang taon.

Pasok sa revenue collection para sa buwan ng Hunyo ang karagdagang kita mula Tax Expenditure Fund (TEF) collection na P301 milyon at Post Clearance Audit Group (PCAG) collection na P115.97 milyon.

Batay sa financial record ng Department of Finance (DOF), higit pa sa nakatakdang target ang nalilikom ng kawanihan mula Enero hanggang Hunyo. Sa preliminary report ng ahensya, 14 sa 17 collection districts ang humataw sa kani-kanilang target – ang Port of Manila, Manila International Container Port (MICP), mga collection districts ng San Fernando, Batangas, Legaspi, Iloilo, Cebu, Surigao, Zamboanga, Davao, Subic, Clark, Aparri at Limay.

Sablay naman ang BOC district collection offices ng Cagayan de Oro, Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Tacloban.

Bukod pa sa record-breaking monthly collection, nahigitan din ng kawanihan ang midyear target collection.

Sa tala pa rin ng BOC Financial Service, lumalabas na nakalikom na ang BOC ng tumataginting na P396.805 bilyon mula Enero hanggang Hunyo 2022 – mas mataas ng P68.995 bilyon kumpara sa midyear target na P327.812 bilyon.

Kumpara sa actual mid-year collection ng nakalipas na taon, hindi hamak na malaki ng 31.5% ang pumasok na ganansya nga­yon taon.

57

Related posts

Leave a Comment