MULING nagpalabas ng babala ang Bureau of Customs sa publiko kaugnay sa tinatawag na “LOVE SCAM”, sa pagpasok ng BER months ngayong taon.
“Umpisa na ng BER months, umpisa na rin ang pagdami ng biktima ng LOVE SCAM! HUWAG MAGPALOKO AT MAGING ALERTO!” ayon sa BOC.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Bureau of Customs – Port of Clark ang publiko na maging maingat at mapanuri sa mga nakikilala sa online at sa social media, baka LOVE SCAM na pala ‘yan!
Anila, mahalagang malaman na ang BOC ay hindi tumatanggap ng bayad para sa customs duties and taxes sa personal bank accounts, money remittance centers, o G-Cash.
Mahalagang malaman din ang mga sumusunod na impormasyon at maaaring makipag-ugnayan sa Bureau of Customs – Port of Clark.
Narito ang LOVE SCAM pointers!
1) Gumagamit ng peke o kahina-hinalang account sa social media tulad ng Facebook;
2) Paulit-ulit na humihingi ng mahahalagang personal impormasyon;
3) Kinukuha ang inyong tiwala hanggang kayo ay maging magkaibigan;
4) Sinasabi na may bagaheng ipinadala na naglalaman ng mamahaling gamit at ito raw ay na-hold sa Customs. Maaaring sabihin din nito na siya ay nasa Pilipinas na at ini-hold siya ng Customs sa airport, at
5) Sasabihin na magdeposito ng pera sa personal bank account o magpadala sa pamamagitan ng Money Remittance para ma-release ang bagahe o ma-release siya mula sa Customs.
(JOEL O. AMONGO)
