MALAKING bahagi ng record-breaking collection ng Bureau of Customs (BOC) sa nakalipas na taon ang nakatakdang ipamahagi ng pamahalaan sa 81 lalawigan, 143 lungsod at 1,498 munisipyo, ayon sa Department of Budget and Management.
Bilang pambungad, P28.9 bilyon ang agad na inilaan ng kagawaran para sa Local Government Support Fund para sa tinawag niyang “capacity-building” ng mga lokal na pamahalaan.
“We will formulate capacity-building training, and seminars for our LGUs (local government units) to help them — so that by the time we have full devolution, they can stand on their own feet,” pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na kailangan muna makipag-ugnayan ng mga LGU sa Bureau of Local Government Finance na unang inatasan para gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa proseso ng “procurement, project planning and identification, and implementation.”
“The Department of Finance may also provide guidance on how LGUs may use their budgets,” ani Pangandaman.
Sa ilalim ng Republic Act 7160 (Local Government Code of 1991), mas malawak na responsibilidad ang iniatang sa mga LGU sa mga serbisyo at proyektong dating trabaho ng national government agencies.
Bukod sa RA 7160, pinagtibay rin ng Korte Suprema ang Mandanas Ruling na nagbibigay sa mga LGU ng 40% share sa kita ng mga national government agency – kabilang ang BOC.
“We are also partnered with the Department of Interior and Local Government (DILG) and the Development Academy of the Philippines. There are a lot of groups and departments that will help and hopefully, before 2027, we are able to capacitate the LGUs,” aniya pa.
Sa pagtatapos ng 2022, nakapagtala ng P862.929-bilyon revenue collection ang kawanihan mula sa buwis at taripang kalakip ng mga pumasok at lumabas na kargamento – pinakamataas sa kasaysayan ng nasabing ahensya.
