IprinisInta ng Port of NAIA sa publiko ang nasabat nitong mahigit sa walong daang used Smart phones, lithium batteries at phone accessories na may katumbas na halagang P15 milyon.
Ang nasabing mga item ay nasabat nitong nagdaang Agosto 23 na nagmula umano sa Korea na kung saan bahagi umano ito ng dalawang shipments na nakarehistro sa parehong consignee.
Dahil dito, pinuri ng Samsung Philippines Corporation ang Customs NAIA para sa kanilang mahigpit na pagbabantay.
“We laud the Bureau of Customs, headed by District Collector Carmelita Talusan, for helping keep the Philippines free of possibly counterfeit products that did not seek proper importation permits and sufficient quality control. We ask the public to remain vigilant when purchasing Samsung devices,” ayon kay Marlene Cinco, Public Relations Head ng Samsung Philippines.
Hinikayat din nito ang publiko na tangkilikin lamang ang mga lehitimong Samsung devices mula sa awtorisadong Samsung dealers sa buong bansa.
Sa pahayag naman ng National Telecommunications Commission (NTC) ay sinabi nitong hindi sila nag-isyu ng permits para sa importasyon ng ‘used cellphones at accessories’ maliban lang kung ang nasabing item ay para sa personal na gamit o kaya ay pangregalo sa mga kamag-anak.
Dahil dito, muling inulit ng ahensya na ang nasabing mga item ay hindi pinapayagang ibenta ng maramihan bilang imported item dahil makaaapekto ito sa legitimate manufacturers.
Kasabay na rin nito, pinaalalahanan ng NTC ang publiko ukol sa posibleng panganib na idudulot ng mga ‘used item’ tulad ng cellphones.
Samantala, ang Bureau of Customs ay nananatili sa kanilang pangako na protektahan ang interes ng lehitimong manufacturers para sa kapakinabangan ng bawat Filipino.
116