Aabot sa P95 milyon halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat ng mga elemento ng Bureau of Customs (BOC) at Naval Task Group Sulu sa bisinidad ng Laminusa, Siasi, Sulu noong nakaraang Oktubre 27, 2019.
Ayon sa report, nakasakay sa ML 3 Brothers ang nasa 2,727 master cases ng Cannon at Fort Cigarettes.
Ang operasyon ay nag-ugat mula sa confidential information na natanggap ng mga awtoridad na nagsasabing mahigit kumulang sa 3,000 hinihinalang smuggled cigarettes na nakasakay sa nasabing barko na naglalayag sa karagatan ng Siasi Sulu.
Binigyan naman ng pagpapahalaga ni District Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte Jr. ang nasabing impormasyon mula sa Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao kung kaya’t agad silang tumugon para mahuli ang kargamento.
“The close coordination of law enforcement agencies is the key in winning the battle against smuggling particularly in ZAMBASULTA area,” ayon kay Barte.
Ayon pa sa District Collector, ito na ang pinakamalaking huli nila sa kasaysayan ng Port of Zamboanga.
Ang nasabing nakumpiskang mga sigarilyo ay inisyuhan ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) dahil sa kawalan ng import permit mula sa National Tobacco Administration (NTA) na isang malinaw na paglabag sa Executive Order No. 245 entitled “Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products” at Republic Act No. 10863, o mas kilala sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). (Joel O. Amongo)
103