CARLOS YULO: GYMNASTICS PARA RIN SA MAHIHIRAP

(NI EDDIE G. ALINEA)

TALIWAS sa paniniwala ng nakararami, si Carlos Yulo ay lumaki sa anino ng kalye-Leveriza sa Malate, Lungsod ng Maynila, kasama ang dalawang kapatid na babae at isang lalake, Lolo at Lola sa tuhod, amang ang pinagkakakitaan ay ang pagiging mensahero at inang part-time caterer.

Hindi sila maituturing na mahirap at ‘di rin ganon kayaman gaya ng akala ng marami dahil sa kanilang apelyido na katunog ng angkan ng nagmamay-ari ng isang malaking asyenda ng asukal sa Laguna.

Nang manalo si Caloy (tawag sa kanya ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan) ng kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa 2019 World Gymnastics Championships Germany, ang akala ng marami ay isa siya sa tagapag-mana ng asyenda sa Canlubang, Calamba.

Sa tutoo lang, ang pamilya ni Caloy ay mayroong kaunting salapi,  ilang pag-aari, kasama ang isang may tatlong silid na nabili galing sa mga insentibong pinansyal na natanggap niya sa pagwawagi ng maraming medalya sa  kompetisyong internasyonal na nilahukan niya mula noong 2013, kasama ang kaunting naipon ng kanyang ama at ina.

Ang pangarap ni Caloy ay sports. Ang kanyang amang si  Mark Andrew ay gusto siyang maging basketbolista tulad niya. Nang matapos siya ng elementarya sa Donya  Aurora Elementary School sa San Andres, Malate sa gulang na 11, siya at ang kanyang Ate, si Joriel, ay nakikitang pa-tumbling-tumbling, pasirko-sirko sa  Paraiso ng Batang Maynila sa kalye Adriatico, malapit sa Leveriza at katapat ng Manila Zoo.

Halatang inspirado ng inumpisahan nang noon ay pangulo ng Gymnastics Association of the Philippines na si Sotero Tejada, na sa tulong ng kanyang secretary general na si Danny Lopez at GAP board na magturo ng gymnastics sa mga public school sa ka-Maynilaan.

Sa madali’t-sabi, ang ideya ni Mang Teroy Tejada na ang gymnastics ay dapat maging bukas sa lahat ng kabataan,  mayaman man o mahirap ay agad lumaganap at ‘di nagtagal ay tinanggap ng Kagawaran ng Edukasyon bilang bahagi ng public school physical education curriculum.

Upang maging bahagi rin ng taunang Palarong Pambansa kung saan ang magkapatid na Yulo ay nakilala. Sa kasalukuyan, maging ang mga nakababatang kapatid ni Caloy at Joriel ay myembro na rin ng national gymnastics training pool.

Ang  ngayoin ay namayapa nang dating pangulo ng GAP na si Dulce Saguisag, maybahay ni ex-Sen. Rene, ang nakakita sa talento at nagdala kay Caloy para maging miyembro pambansang koponan ng gymnastics.

“Pa-tumbling-tumbling at pa-sirko-sirko lamang ang mga batang yan sa umpisa sa Paraiso,” paglalahad ni Mang   Rodrigo Frisco, Lolo sa tuhod ng mga magkakapatid na Yulo. Si Mang Rodrigo rin ang nag-endorso kay caloy at Joriel at 12 pang Paraiso Kids kay national coach Roberto Otero para maging miyembro ng GAP training pool.

“Nakita ko kasi ang potential nila, lalo na si Caloy, natural ang kilos niya. At true to what I felt then, halos lahat  made it to the pool, including Caloy’s younger brother Eldrew, 11 at younger sister Elaiza, 9.

Wala na sina Tejada at Lopez na dating  top notch basketball referee, para masaksihan ang kanilang alagang si Caloy na maging kauna-unahang Filipinong gymnast na makapasok sa 2020 Tokyo Olympic Games. At dahil dito ay baka siya rin ang maging kauna-unahang Filipinong manalo ng  Olympic gold para sa bansa.

Sa kanyang naging tagumpay, napatunayan ni Caloy na tama si Mang Teroy Tejada sa kanyang sinabing ang sport na gymnastics ay hindi lamang sa mga mayayaman at makapangyarihan kundi maging sa mga mahihirap at kapos-palad man.

 

267

Related posts

Leave a Comment