SABAYANG PAGKILOS KONTRA SMUGGLERS

Ni JOEL O. AMONGO

GANAP nang nagsanib-pwersa ang mga pangunahing ahensya ng pamahalaan sa layuning tapusin na ang maliligayang araw ng mga sindikato at mga kasapakat sa gobyerno.

Sa isang iglap, nabulabog ang mga smuggler matapos lumagda sa kasunduan ang National Security Council (NSC), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) para sa saba­yang pagtugis, pagsasampa ng kaso hanggang sa paglabas ng hatol ng husgado.

Ang totoo, marami nang nagtangkang puksain ang illegal smuggling sa bansa. Kung ilang dekada na, wala akong idea. Ang sigurado, lahat sila, nabigo – marahil dahil sa nakasisilaw na ganansyang suhol ng mga sindikato.

Sa ilalim ng sanib-pwersang inisyatiba ng apat na ahensya, siguradong swak sa hoyo ang mga smuggler at mga pailalim na nakikinabang sa gobyerno – ‘yan ay kung totoong seryoso ang administrasyong Marcos Jr.

Dangan naman kasi, ganyan din ang diskarte ng mga nagdaang administrasyon – magaling lang sa una.

Sa ilalim ng kasunduan, kikilos ang NICA sa pangangalap ng mga intelligence report hinggil sa mga ilegal na aktibidades sa kalakalang nagaganap sa mga balwarte ng BOC, habang ang NSC ang babalangkas ng mga polisiya.

Ang BOC at PDEA naman ang mangunguna sa operasyon kontra smugglers.

Pero teka, parang kulang. Nasa’n ang Department of Justice (DOJ) na siyang tumatayong tagausig ng mga bulilyaso?

Malaking papel ang ginagampanan ang mga pro­secutor na nasa ilalim ng DOJ. Ang ikapapanalo ng kasong isinampa ng BOC, nasa kamay ng departamento sa ilalim ni pabibong Justice Sec. Crispin Remulla na tila sobrang abala sa mga presscon kaugnay ng Degamo slay.

Balik tayo sa usapang smuggling. Sa bisa ng sanib-pwersang pagkilos ng apat na ahensya.

Hindi ako eksperto sa larangan ng pagsupil sa mga smuggler, pero sa mata ng isang ordinaryong tao – na dugo’t pawis ang puhunan para lang makabayad ng buwis – hindi masasawata ang illegal smuggling hangga’t may nangungunsinti.

‘Yan din marahil ang dahilan kung bakit bagsak ang kabuhayan ng mga magsasakang Pinoy. Hindi makasabay sa bagsak-presyong smuggled agri-products sa mga pamilihang bayan.

Wala akong tutol sa kolektibong pagkilos ng NICA, NSC, PDEA at BOC laban sa smuggling. Katunayan, pabor ako sa kanilang layunin… medyo nakukulangan lang ako.

Sa ganang akin, maganda ang ipinamalas ng BOC sa kabi-kabilang paghahain ng kasong kriminal laban sa mga negosyanteng bulilyaso. Sa tala ng BOC Action Team Against Smugglers (BATAS), umabot na sa 65 kasong kriminal ang isinampa ng naturang tanggapan sa DOJ sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon.

Ang tanong, ilan sa 65 kasong kriminal laban sa mga ganid na negosyante ang maipapanalo ng mga tagausig ng DOJ?

200

Related posts

Leave a Comment