SIBUYAS ‘DI DAPAT LALAGPAS SA P120 KADA KILO – SPEAKER ROMUALDEZ

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO

TAMA lang na gamitan ng kamay na bakal ang mandarayang mga negosyante na bumibiktima sa taumbayan na gumagamit ng sibuyas.

Ayon sa natanggap nating impormasyon mula sa Kamara, naglalaro sa P160 hanggang P190 ang kada kilo ng sibuyas sa mga pamilihan o merkado.

Ayon kay House of Representative Speaker Martin Romualdez, dapat P120 lang ang kada kilo ng bentahan ng sibuyas sa mga palengke.

Bakit kamo? Mura ang kuha ng traders sa mga magsasaka ng sibuyas sa bansa at mura rin ang kanilang bili sa importers nito, bakit nila ibebenta ito ng P160 hanggang P190 ang kada kilo?

Sa computation ng Kamara, dapat hindi lalagpas sa P120 per kilo ang presyo ng sibuyas pagdating sa mga palengke dahil ang wholesale price o puhunan ng traders ay nasa P90 lang kada kilo.

Kasama na riyan ang gastusin sa pagbiyahe ng sibuyas hanggang sa makarating sa mga pamilihan, at kita ng mga negosyanteng ito.

Kaya sabi ni Speaker Romualdez, kung hindi masusunod ang P120 kada kilo ng sibuyas ay may nagtatago na naman nito.

‘Wag n’yo nang bigyan ng babala, Speaker Romualdez, na inyong papasukin ang cold sto­rage ng traders na pinaglalagyan ng mga sibuyas, isopresa n’yo mga ‘yan nang may masampulan sa kanila ng kasong economic sabotage. Ang economic sabotage ay may katapat na life sentence o habambuhay na pagkakakulong.

Bunsod nito, pinagsabihan ni Speaker Romualdez ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na trabaho nila ang magbantay sa presyo ng mga bilihin.

Ano ‘yan, natutulog sa pansitan ang mga opisyal ng DA at DTI? Hindi nila ginagampanan ang kanilang mga trabaho? Hoy Gising!

Ang kasalukuyang kalihim ng DA ay si Pa­ngulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at ang Senior Undersecretary ay si Domingo Panganiban.

Ibig ba sabihin niyan kahit na si PBBM ay nasa DA rin ay hindi pa rin nagtatrabaho nang maayos ang mga opisyal ng agriculture department?

Kaya tuloy kamakailan, nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano na maglagay na lamang ng regular secretary ng DA si PBBM, at umalis na siya riyan.

Napansin kasi ni Cayetano na kahit na si PBBM ang boss sa DA ay wala pa ring nangyayaring mabuti sa kagawaran.

Problema pa rin ang mahal na presyo ng mga bilihin, tulad ng sibuyas, bigas at iba pang agri-products.

Parang sinabi ni Sen. Cayetano na hindi nagagampanan nang mabuti ni PBBM ang kanyang trabaho sa DA. Ganu’n na nga, ‘di ba?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

102

Related posts

Leave a Comment