PUNA Ni JOEL AMONGO
MAGKAHALONG tuwa at pagkadismaya ang nadama ng sektor ng maralitang Pilipino nang ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang kanyang direktiba sa Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) para sa paspasan at puspusang implementasyon ng programang pabahay ng gobyerno.
Nakatutuwa dahil matapos ang mahabang panahon, isang administrasyon ang magbibigay katurapan sa simpleng pangarap ng bawat pamilyang Pilipino – ang magkaroon ng sariling tahanan.
Sa isang banda, nakadi-dismaya dahil tila nagkamali siya sa taong itinalaga para sa departamentong magsisilbing katuwang sa pagsasakatuparan ng kanyang pangako sa mamamayang Pilipino.
Dangan naman kasi, malinaw na mayroong “conflict of interest” sa pagkakahirang kay Jerry Acuzar bilang kalihim ng naturang kagawaran.
Himayin natin ang mga dahilan.
Sino nga ba si Jerry Acuzar? Batay sa mga dokumentong isinumite sa Palasyo, si Acuzar ay isang kontratista sa larangan ng pabahay.
Katunayan, ang kanyang sariling kumpanya – ang New San Jose Builders Inc. (NSJBI), ang ginawaran ng kontrata ng pamahalaan para itayo ang ilang proyektong pabahay ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nasungkit na kontrata ng kumpanyang itinaguyod ni Acuzar, ang Katarungan Village sa Muntinlupa na itinayo para sa mga kawani ng Department of Justice (DOJ) at ang resettlement housing project para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagsabog ng Mt. Pinatubo noong dekada 90.
Nakasaad sa ilalim ng Republic Act 11201 (An Act Creating the Department of Human Settlements and Urban Development, Defining its Mandate, Powers and Functions, and Appropriating Funds Therefor), DHSUD ang babalangkas ng polisiya, estratehiya at pamantayan ng national housing and urban development policies ng gobyerno sa larangan ng pabahay.
Sa Section 5 ng RA 11201, malinaw na ang dapat isulong ng DHSUD ay ang interes ng mamamayang walang sariling tahanan, at hindi ang mga pribadong kumpanya tulad ng NSJBI na kanyang itinaguyod noong dekada 90.
Bagama’t pwede niyang ikatwiran na nag-divest na siya ng interes sa naturang kumpanya, hindi mawawaglit ang pagdududa lalo pa’t ang negosyo niya’y pasok sa government housing.
Heto ang posibleng senaryo – ang proyekto ng DHSUD (kung saan siya ang amo), ibibigay sa NSJBI (na siya ang nagtayo) – o ‘di naman kaya ay sa isang kontratistang papayag magpagamit (sa takot mabweltahan) sa kanila.
Ang totoo, madali naman gawan ng paraan na hindi lumutang ang pangalan ng kumpanyang itinaguyod ni Acuzar, sa mga proyektong pabahay ng kanyang kagawaran. Marami nang gumawa niyan. At ‘yan mismo ang nais tuldukan ni Pangulong Marcos sa ilalim ng kanyang anim na taong termino.
Sana lang, ikonsidera ng Commission on Appointments (CA) ang “conflict of interest” ni Acuzar sa DHSUD. By the way, hindi kaalyado ng mga Marcos si Acuzar na bayaw ng isang prominenteng dilawan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amogo@yahoo.com.
