ISANG KWENTO, NAPAKARAMING PANGALAN

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

SA totoo lang, habang sinusundan ko ang mga nangyayari nitong mga nakaraang araw, napaiisip ako kung paano biglang dumami ang mga taong kasama sa kuwentong nagsimula kay Patrick Garcia.

Nagsimula ito sa mga sinabi ni Patrick tungkol sa nakaraan nila ni Jennylyn Mercado.

May mga bagay siyang inilabas at may mga pahayag siyang ginawa tungkol sa kanilang naging relasyon at sa kanilang anak. Natural lang na pag-usapan iyon. Pero habang tumatagal, parang hindi na iyon ang pinag-uusapan ng karamihan.

Mula kina Patrick at Jennylyn, napunta kina Dennis Trillo at Gelli de Belen. Pagkatapos, nadamay sina Anne Curtis at Luis Manzano. Muling hinukay ang mga lumang panayam, dating relasyon at mga lumang video. Sa isang punto, parang mas naging interesado ang mga tao sa paghahanap ng susunod na pangalan kaysa pag-unawa sa pinagmulan ng lahat.

Pinakamalinaw rito ang pagpasok nina Luis Manzano at Anne Curtis. May lumang kuwento si Luis tungkol sa panahong hindi sila nag-uusap ni Anne dahil hindi nito nagustuhan ang babaeng kanyang dini-date noon. Hindi naman sinabi ni Luis kung sino ang babae. Pero dahil dating nagkaroon ng relasyon sina Luis at Jennylyn, may mga tao sa X na nagdesisyong baka si Jennylyn ang tinutukoy. Mula roon, ang isang lumang kuwento na walang direktang koneksyon sa kasalukuyang issue ay naging dahilan para magkaroon ng Jennylyn versus Anne na naratibo.

Ang problema, wala namang direktang sinabi si Anne laban kay Jennylyn at hindi rin kinumpirma ni Luis na siya nga ang babaeng tinutukoy niya. Pero kapag may teoryang sapat ang dating, mabilis itong kumalat na parang katotohanan.

Ganoon din ang nangyari kina Gelli at Dennis. Nagsalita si Gelli tungkol sa isyu. Sumagot si Dennis bilang isang ama na ipinagtatanggol ang kanyang pamilya. Pero sa halip na pag-usapan kung ano mismo ang sinabi nila, naging panibagong pagtatalo kung sino ang tama at sino ang mali.

Dito ako may problema sa paraan ng pagtalakay natin sa mga ganitong kuwento. Kapag pinagdugtong-dugtong ang magkakaibang impormasyon, madaling makabuo ng isang kuwentong mukhang kumpleto. Pero hindi ibig sabihin na kumpleto ang kwentong iyon.

May mga bagay na sinabi mismo ng mga taong sangkot, at may mga bagay na tayo lamang ang nagbigay ng kahulugan.

Mas lalo akong napaiisip dahil may mga anak na kasama sa lahat ng ito. Naiintindihan ko kung bakit gustong ipagtanggol ni Patrick ang anak niyang si Michelle. Bilang magulang, natural lang iyon. Pero si Jazz ay anak din niya at siya ang panganay. Ayon kay Patrick, matagal na niyang hindi nakakausap si Jazz at sinubukan niyang makipag-ugnayan sa kanya. May sarili namang naging pahayag si Jennylyn tungkol sa naging sitwasyon nila noon. Kaya para sa akin, hindi natin maaaring tratuhin ang isang panig bilang buong kuwento.

Hindi naman kailangang hanapan ng bagong kontrabida ang bawat lumang pangalan na lumilitaw. Hindi rin kailangang gawing magkakaugnay ang lahat para maging interesante ang isang kuwento. Minsan, sapat nang pag-usapan kung ano ang totoong sinabi at kung ano ang hindi natin alam. Dahil habang patuloy nating hinahanap kung sino pa ang maaaring isama, unti-unting nawawala sa sentro ang kung paano ito nagsimula, pati na rin ang mga taong tunay na kailangang mamuhay kasama ng mga desisyong ginawa ng matatanda.

50

Related posts

Leave a Comment