MAGKASOSYO SA SUGAL NA LOTENG SINA MARIANO, BB AT AA (2)

PUNA ni JOEL O. AMONGO

HINDI pagkakaunawaan sa kita sa sugal na loteng ang dahilan ng pagpapatumba kina Perry Mariano at Norberto Orimaco ng isang ama ng politician na nakilala lamang sa alyas na “AA”, sa malaking siyudad sa Metro Manila kamakailan.

Nagtalo sina AA, Mariano ang isa pang kasosyo nilang nakilala naman sa pangalang “BB”, kaugnay sa sharing ng kanilang kita sa loteng sa nabanggit na siyudad. Humirit umano sina AA at BB kay Mariano na dagdagan ang komisyon subalit hindi pumayag ang huli. Mas gugustuhin na lamang na ipasara ni Mariano ang kanilang operasyon kaysa pumayag siya sa kagustuhan ng dalawa niyang kasosyo.

Si Mariano ang may kontrol umano ng mga tao (cabos), koleksyon at lagay para sa mga awtoridad kaya siya ang nakakaalam sa kita ng operasyon ng pasugalan ng tatlo. Nauna nang sinabi ni BB na humihirit ang pamunuan ng PNP ng dagdag protection money na ipinarating nito kay Mariano ngunit hindi pumayag ang huli. Dahilan umano ng dagdag protection money ay para sa expansion ng sakop ng kanilang operasyon ng loteng at monitoring nila.

Tinanggihan ni Mariano ang sinabi ni BB dahil hindi naman daw ganun pa kalaki ang kanilang kita, sa katunayan nga ay nagrereklamo ang kanilang mga tao (cabos) dahil maliit lamang ang kinikita ng mga ito. Hindi pumayag si Mariano sa dalawang kahilingan nina AA at BB na dagdagan ang kanilang komisyon at pati na rin ang protection money para sa mga awtoridad.

Imbes na pumayag si Mariano ay ipinarating niya sa kanilang mga tauhan (cabos) na maaaring ipasara ang kanilang operasyon ng loteng dahil posibleng malugi sila sa gusto nina AA at BB na pagdadagdag ng komisyon ng dalawa at hirit din na protection money para sa pamunuan daw umano ng PNP. Totoo ba ito PNP chief General Jose Melencio Nartatez, Jr., sir? Ang alam natin mahigpit si General Nartatez pagdating sa may kinalaman sa mga iligal na sugal.

Hindi nagustuhan nina AA at BB ang sinabi ni Mariano sa kanilang mga tauhan na ipasara na lang ang kanilang operasyon, sa halip ay nagdesisyon ang dalawa na ituloy ito kahit ano pa ang mangyari.

Dito na pinabantayan ni AA kay alyas “Boylino” ang galaw ni Mariano. Noong Marso 6 hanggang 11, 2026 ang gun-for-hire na sina “JDR”, “FP”, “BS”, at “US” ay nag-check in sa kanilang safehouse. Noong Marso 7, 2026 dakong alas-7:30 ng gabi, nagkaroon ng meeting sa isang 5-star hotel sa Quezon City sina AA, BB at Mariano na ang layunin ay para mamukhaan ng mga suspek ang kanilang target (Perry Mariano).

Bago pa man pinaslang sina Mariano at Orimaco noong Abril 24, 2026 ay nagpadala ang isang alyas “JP” ng P10,000 kay alyas “NG” para sa pagkain nila at gastusin sa gasolina bilang nakalagay sa kontrata ng kanilang pagpaslang. Dakong alas-10:57 ng umaga si alyas “US” ay nakita sa 7-Eleven GMA Timog, Avenue, QC na nagpadala pa ng pera sa kanyang kinakasama na si alyas “GM”. Bandang alas-3:32 ng hapon naganap ang pamamaril kina Mariano at Orimaco na nakasakay sa isang kotse.

Matapos ang pamamaslang ng riding in tandem ay agad tumakas ang mga ito sakay ng kanilang single motorcycle. Dakong alas-3:45 ng hapon nakita sa CCTV footage na inabandona ng mga suspek ang Yamaha Mio 125S na kanilang ginamit sa Scout Rallos St. malapit sa Scout Ybardolaza St., QC. Nakita rin sa CCTV dakong alas-4:02 ng hapon na ang mga suspek ay nagpalit ng kanilang damit at naglakad sa may Borromeo St., bago sila sumakay ng tricycle patungo sa Quezon Avenue at doon na sila sumakay sa pampasaherong jeepney.

Makalipas ng ilang linggo ay naaresto ang anim na mga suspek at pormal na kinasuhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City Prosecutor’s Office ng double murder ang mga ito sa pagpatay sa negosyante at billiards patron na si Ceferino “Perry” Mariano at si Norberto Orimaco noong Abril 28 sa Timog Avenue, Quezon City.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kabilang sa mga kinasuhan ang mga suspek na kinilalang alyas “Besa,” “Uno,” “Boy,” “Frapa,” “Bore,” at “Pajo.” Lumitaw sa imbestigasyon na si Besa umano ang bumaril kina Mariano at Orimaco habang sakay ng Yamaha Mio 125S na minamaneho naman ni Uno.

Sinabi ni Silvio na dalawa sa mga suspek ang nagsilbing spotter, isa ang nag-asikaso sa gunman at driver sa Quezon City, habang isa naman ang nag-book ng Airbnb na tinuluyan ng grupo bago ang insidente. Nakatulong umano ang CCTV footage gayundin ang transaksyon ni Uno sa e-wallet bago ang pamamaril, sa pagtukoy sa mga suspek. Naninin­digan ang QCPD sa teorya na may kaugnayan sa negosyo ni Mariano ang motibo sa krimen.

Lumabas din sa ballistic examination na tumugma ang mga bala na narekober sa pagpatay kina Maria­no at Orimaco sa mga bala na ginamit umano sa pamamaril sa isang municipal councilor at barangay captain sa Arayat, Pampanga noong Nobyembre 2024.

Sinabi rin niyang si Uno ay pinaniniwalaang dating miyembro ng Philippine Army na natanggal sa serbisyo, ngunit hinihintay pa ang opisyal na beripikasyon.

Nagsampa rin ang QCPD ng reklamo sa paglabag sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act laban sa rehistradong may-ari ng motorsiklo, gayundin kina Besa at Uno.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

61

Related posts

Leave a Comment