TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI maitatanggi na sa panahong patuloy na hinahamon ang ating lipunan ng mga kaso ng pang-aabuso sa kabataan, isang makabuluhan at makataong panukala ang isinusulong nina Solid North Party-list Rep. Ching Bernos at Abra Lone District Rep. JB Bernos—ang pagtatatag ng Child Advocacy Centers (CACs) sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Aba’y sa pamamagitan ng House Bill No. 7468 o “Child Advocacy Centers Bill,” malinaw na inuuna nila ang kapakanan ng mga batang matagal nang naghihintay ng mas maayos na sistema ng proteksyon at hustisya.
Kasi, hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang kasalukuyang proseso sa paghawak ng child abuse cases ay madalas pira-piraso at mabigat para sa mga biktima.
Kailangang magpalipat-lipat ng tanggapan, paulit-ulit magkwento ng masakit na karanasan, at humarap sa sistemang hindi laging sensitibo sa kanilang murang isipan.
Dito pumapasok ang kahalagahan ng CACs—isang child-friendly na lugar kung saan sama-samang isinasagawa ang imbestigasyon, medical examination, psychosocial intervention, legal coordination, at case management.
Ang diwa ng panukala ay bawasan ang trauma, pabilisin ang hustisya, at palakasin ang pananagutan.
Sa pamamagitan ng trauma-informed at pinagsamang proseso, hindi na muling masasaktan ang bata sa bawat hakbang ng paghingi ng tulong.
Sa halip, mararamdaman nila na ang estado ay kakampi, hindi dagdag na pasanin.
Saklaw ng mga sentro ang iba’t ibang anyo ng pang-aabuso—pisikal, sekswal, emosyonal, pagpapabaya, abandonment, at maging ang online sexual abuse and exploitation of children.
Higit pa rito, ang pagbuo ng multidisciplinary team mula sa Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police–Women and Children Protection Desks, Department of Health, Department of Justice, at lokal na tanggapan ng social welfare, ay patunay ng seryosong layunin na gawing sistematiko at coordinated ang pagresponde sa mga kaso.
Hindi ito simpleng panukala nina Rep. Ching Bernos at Cong. JB Bernos, ito ay isang konkretong blueprint para sa mas makataong sistema.
2
