ISANG bagong silang na sanggol ang natagpuang patay sa isang tulay makaraang umanong mahulog mula sa tricycle kung saan siya iniluwal ng kanyang ina noong Mayo 3 ng hapon sa Malabon City.
Ayon sa kaibigan ng ina ng sanggol na si Princess Reyes, itinakbo ang buntis sa pagamutan dahil manganganak na ito at sa biyahe ay hindi napansin na lumabas na ang sanggol at nalaglag sa Tinajeros Bridge sa nasabing lungsod.
Sinabi naman ng driver ng tricycle na si Wilfredo Macaraeg na hindi niya batid na lumabas na ang sanggol at nalaglag mula sa sasakyan.
Ayon pa kay Macaraeg, wala pang 20 kph ang patakbo niya ng tricycle dahil inaalalayan umano niya ang lumalabas nang sanggol.
Hindi pa malinaw kung patay na ang sanggol bago pa man ito malaglag mula sa tricycle dahil sa bahay pa lang umano ay lumalabas na ito. Ngunit hindi raw kaya ng komadrona na iluwal kaya’t pinapunta ang mag-ina sa pagamutan.
Nasa maayos nang kondisyon ang ina ngunit patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (ALAIN AJERO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)