(NELSON S. BADILLA)
PINATUNAYAN ni Manila Mayor Isko Moreno na handang-handa na siyang makipagbanggaan kahit sa pinaka makapangyarihan at pinakamataas na opisyal sa Pilipinas.
Ginawa ito ni Moreno nang igiit at manindigan ang alkalde na tuloy ang pagtuturok ng bakuna kahit umuulan, o bumabagyo man, sapagkat mahalaga sa alkalde ang kaligtasan ng mga residente ng Maynila laban sa patuloy na pag-atake ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Hindi man binanggit ni Moreno ang pangalan ng kanyang kinakalaban, malinaw na malinaw na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, o PRRD, ang kanyang inupakan.
“We have a clear objective. In Manila, we continue to vaccinate come hell [or] high water. An objective, or goal, must be achieved no what,” bigwas ni Moreno sa pambansang pamahalaan.
Ang pahayag ay lumabas sa Facebook account ng alkalde ng Kabisera ng Maynila na isinapubliko nitong Hulyo 27, isang araw matapos ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Duterte.
Prayoridad ni Moreno ang pagbabakuna ng mga residente ng Maynila dahil patuloy na umaatake ang COVID-19.
Ang pasaring ni Moreno ay mukhang reaksyon sa kritisismo ni Duterte sa mga opisyal ng pamahalaang lokal na patuloy na pinababakunahan ang mga residente kahit walang tigil ang ulan dulot ng bagyo at habagat.
Sabi ni Duterte sa SONA, hindi raw siya hanga sa mga opisyal na nagpapabakuna habang matindi ang pagbaha.
Hindi binanggit ni Duterte ang pangalan ni Moreno, ngunit siya ang tinumbok sa bigwas ng pangulo dahil habang bumibira ang huli ay ipinakita ang litrato ng mga taong nakalinya sa San Andres
Sports Complex sa Maynila habang mayroong baha.
Idiniin ni Moreno na ang nasabing pahayag ay naglalayong iligaw ang mamamayan sa kanyang “incompetence”.
“Mas marami silang sinasabing ibang bagay to create smokescreen. Ang ibig pong sabihin ng smokescreen ay … para malito ‘yung mga tumitingin para lumabo ang mga mata ninyo. Kaya, gagawa sila ng mga salita para ‘yun ang mga mapansin, mawala ang direksyon sa kapalpakan ng iilang tao,” dugtong ni Moreno.
Si Moreno ay napapabalitang tatakbong pangulo ng bansa sa susunod na eleksyon.
Hindi pa man opisyal na nagdedeklara si Moreno, tila nagsimula nang ipalaganap ang kanyang pangalan, sa pamamagitan ng T-shirt na mayroong tatak na IMP (Isko Moreno Philippines).
Unang termino pa lang ni Moreno sa pagiging alkalde ng Maynila kaya maaaring tumakbo uli siyang alkalde sa susunod na eleksyon.
