NAPAKARAMING problemang iniwan si Mayor Joseph “Erap” Estrada sa Maynila.
At hindi pa natatapos ang mga problemang ito kahit na aktibo at masipag si Mayor Isko Moreno, ayon sa kanyang mga press release.
Mahigit isang taon na lang, tapos na ang termino ni Isko.
Inaasahang muli siyang tatakbo sa parehong posisyon sa eleksyong 2022 upang makadalawang termino na siya kung muling mananalo.
Ngunit, hindi maipagkakailang sobrang aktibo ni Moreno sa media.
Sabi nga sa ingles: “very visible” sa mga pahayagan ang mga istorya ni Moreno hinggil sa kanyang mga nagawa, ginagawa at gagawin.
Pokaragat na ‘yan!
Kung tatakbo si Moreno sa pagkabise – presidente, o mas mataas pa rito, ay hindi nakapagtatakang halos araw – araw ay laman siya ng mga pahayagan, lalo na sa mga tabloid.
Napakaraming meyor sa Pilipinas, ngunit hindi kasing sipag ni Moreno sa press release.
Halimbawa, si Mayor Joy Belmonte ay naglalabas din ng mga press release at mayroon pang sariling dyaryo ang pamilya Belmonte, ngunit hindi siya kasing sipag ni Moreno sa media dahil hindi naman siya nagbabalak na tumakbong pangulo ng Pilipinas.
Alkalde pa rin ng Quezon City ang tatakbuhan ni Belmonte, ngunit hindi siya aktibo sa media kahit alam niyang hindi siya siguradong mananalo uli dahil napakaraming reklamo ang mga residente ng Quezon City sa kanyang administrasyon.
Higit na makabubuting magpokus muna sa Maynila si Isko Moreno, sapagkat napakaraming suliranin ang kabisera ng Pilipinas.
Sa paglilinis nga lang ng mga bangketa ay hindi pa rin tapos hanggang ngayon.
Mayroong mga lininis si Moreno noong mga unang buwan niya sa puwesto, ngunit higit na marami ang hinayaan niyang madungis.
Sa Quiapo, ‘dinisiplina’ niya ang mga vendor sa paligid at tabi ng simbahan.
Pero, hindi ‘ginalaw’ ni Moreno ang kabilang bahagi ng Quezon Boulevard hanggang Recto Avenue.
Sobrang kipot ng bangketa sa kabilang parte ng Quiapo dahil sa mga vendor!
Pokaragat na ‘yan!
Napakaraming kalsada sa Maynila kung saan ang kalahating bahagi ay nanatiling paradahan ng mga pribadong sasakyan.
Ang nakadidismaya ay may bayad ang pagparada.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi rin pahuhuli sa illegal gambling ang Maynila.
Simula nang maging alkalde si Moreno, walang nahuhuling operator ng bookies ng karera, pasimuno ng mga tupada, operator ng video karera at jueteng.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi pa rin natutuldukan ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaang lungsod.
Napakaraming estero ang sobrang dumi at barado ng mga basura.
Sumikat lang si Moreno bilang “Yorme”, tapos nagmamadaling maging pangulo ng Pilipinas.
Hindi pa nagdedeklara si Moreno kung talagang tatakbo siya sa 2022 dahil, palagay ko, ayaw niyang matulad kay dating Bise – Presidente Jejomar Binay na unang araw pa lang sa pagiging pangalawang pangulo ay sinabi na niya sa media na tatakbo siyang pangulo sa halalang 2016, dahilan upang maglabasan ang matitinding akusasyong korapsyon at pandambong laban sa kanya.
Hindi malayong magpakawala ang mga makakalaban ni Moreno ng iaakusa nilang mga nagawang krimen ng alkalde noong bise – alkalde pa ito ng Maynila.
Asahan na nating wasakan ito ng kredebilidad, pagkatao at rekord ng pagiging politiko, lalo pa’t may mga taong konektado kay Moreno na nagsasabing “the man to beat” siya sa 2022.
Hindi tayo ipinanganak kahapon upang hindi maintindihan ang kahulugan at layunin ng pagiging aktibo at kasipagan ni Isko Moreno sa media.
Payo ko, magpokus muna si Mayor Isko Moreno sa Maynila kung talagang paglilingkod sa bayan ang pakay niya, kaysa unahin ang ambisyon sa buhay.
228 