ISKO NAGPASALAMAT KAY PBBM SA KONSTRUKSYON NG 1 GUSALI NG PLM

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

KAMAKAILAN ay pinuna ng beteranong abogado na si Lorna Patajo-Kapunan ang paraan ng paghawak ng Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) sa kasong malversation ng pondo laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr., at tinawag itong “labis na pagmamadali” at malinaw na paglabag sa karapatan sa due process.

Ayon kay Kapunan, kilalang tagapagtanggol ng karapatang pantao at host ng programang Laban Para Sa Karapatan, “Ipinapakita ng paraan ng Ombudsman at DOJ ang nakakabahalang trend ng pagbaluktot sa batas upang umayon sa pansamantalang politikal na interes, kapalit ng mga proteksyong ibinibigay ng Bill of Rights.”

Binanggit ni Kapunan ang mabilis na pag-isyu ng warrant of arrest laban kay Revilla—halos isang oras lamang matapos maipadala ang malawak na records ng kaso sa Third Division ng Sandiganbayan.

Dagdag pa niya, ang Ombudsman ay nagsampa ng impormasyon nang hindi binibigyan ng kopya ng resolusyon ang kampo ni Revilla, na nagtatakda ng probable cause.

“Mula sa records, mukhang hindi man lang nabigyan si Revilla ng kopya ng Complaint-Affidavit; tanging motion lang na isama siya bilang respondent.

Dahil dito, nawala sa kanya ang karapatan na tugunan ang ebidensiya at hindi niya alam ang eksistensya ng ebidensiya laban sa kanya,” paliwanag ni Kapunan.

Ayon sa kanya, walang ibinigay na project documents, bid papers, o audit reports para masuri ni Revilla at makapagkontest sa kaso.

Binigyang-diin ni Kapunan na bagama’t may kalayaan ang prosecution sa pagtukoy ng charges base sa ebidensiyang mayroon, hindi ito dapat maging dahilan para labagin ang karapatan ng akusado na harapin ang ebidensiya laban sa kanya.

Aniya, malinaw na nagpapakita ang mga aksyong ito ng pattern ng ‘railroading’ para maipatupad agad ang warrant laban kay Revilla.

***

Pinuri at pinasalamatan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa suporta ng pambansang pamahalaan sa konstruksyon ng gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Allied Health Sciences, kasabay ng pormal na groundbreaking ng proyekto noong Biyernes, Pebrero 6, sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex.

Ayon kay Domagoso, kaakibat ng adbokasiya ng pambansang pamahalaan ang proyekto na palakasin ang serbisyong pangkalusugan at palawakin ang produksyon ng mga medical at allied health professionals sa pamamagitan ng hospital-based education na nakatuon sa serbisyo-publiko.

“Ginoong Pangulo, ako’y taos-pusong nagpapasalamat sa inyo sa patuloy na pagtulong at suporta sa pamahalaang lokal. Hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa. Maraming-maraming salamat po, Mr. President,” pahayag ni Mayor Isko.

Sa kanyang welcome remarks, tiniyak ni Domagoso sa Pangulo na matatapos ang proyekto sa itinakdang panahon, binanggit ang track record ng lungsod sa pagkumpleto ng malalaking imprastraktura kahit sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.

“At hindi rin po kayo nagkamali, Mr. President, na kami’y pagkatiwalaan sa Lungsod ng Maynila. We guarantee you, in our own little way, with all the resources and might, physical ability, that we will finish this on time as scheduled,” ani Domagoso.

Ikinumpara niya ito sa mga proyektong matagumpay na natapos ng lungsod tulad ng mga pabahay, school buildings, rehabilitasyon ng Manila Zoo, at ang Bagong Ospital ng Maynila.

Binigyang-diin din ni Moreno ang matatag na academic performance ng PLM, partikular sa mga programang pangkalusugan, na may mataas na passing rates at mga topnotcher sa licensure examinations.

Aniya, magpapalawak ang bagong gusali sa hospital-based training ng mga doktor, nars, at allied health professionals.

“Kaya po, Mr. President, hindi po kayo nagkamali sa pagbibigay ng suporta sa pagtatatag ng bagong gusali ng Pamantasang Lungsod ng Maynila – College of Allied Health Sciences,” dagdag ni Isko.

Ayon kay Domagoso, mula pa noong dekada ’90, tuluy-tuloy ang magandang performance ng PLM sa mga board exam. Sa mga nagdaang taon, kinilala rin ang unibersidad bilang top-performing school, kung saan kabilang ang College of Medicine sa mga nangunguna sa bansa at nakalikha ng maraming physician topnotchers mula 2010 hanggang 2025. Ang mga programa sa Nursing at Physical Therapy ay nagtala rin ng halos perpekto hanggang perpektong passing rates.

Pinuri rin ng alkalde ang mga polisiya ng administrasyon hinggil sa zero billing at pinalawak na PhilHealth coverage, na aniya’y nagpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na maghatid ng serbisyong pangkalusugan.

“Ito’y patuloy na inyong pagsuporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng lokal na pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng ating mamamayan, lalo na pagdating sa serbisyong pangkalusugan,” ani Domagoso.

Dagdag pa nito, magpapalawak ang bagong gusali ng kapasidad ng PLM mula sa humigit-kumulang 300 estudyante kada taon patungo sa libo-libong mag-aaral na magsisilbi sa bansa sa hinaharap.

Tiniyak ng alkalde na patuloy na mamumuhunan ang lungsod sa mga pasilidad, kagamitan, at edukasyon upang mapabuti ang access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan ng publiko.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

1

Related posts

Leave a Comment