J & T EXPRESS, MAY NILABAG NA BATAS – GAMBOA

NAALALA pa ba ninyo ang video tungkol sa J & T Express na kumalat sa social media ilang linggo na ang nakalipas?

Ito ‘yong video kung saan kitang-kita ang paghagis ng mga empleyado ng J & T Express ng mga bagaheng ipadadala ng kumpanya sa mga taong pinadalhan ng mga nasabing bagahe ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ibig sabihin, nagtiwala ang maraming tao sa J & T Express na nasa mabuting kamay at pangangalaga ang kanilang padalang gamit sa kanilang mga mahal sa buhay.

Tapos, biglang nakita sa video na wala sa mabuting kamay at hindi pala inaalagaan nang maayos ng mga tauhan ng J & T Express ang mga padalang ipinagkatiwala sa nasabing ­kumpanya ng kanilang mga kliyente.

Nang mabatid ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ay agad nitong ipinag-utos sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang J & T Express.

Ang resulta sa imbestigasyon, ayon sa hepe ng PNP na si General Archie Francisco Gamboa, nilabag din ng J & T Express ang mga batas-paggawa at batas sa pagnenegosyo, maliban sa maling

paghawak ng mga bagahe ng mga manggagawa ng naturang kumpanya.

Dahil sa paglabag na ito, ipinasara na ang nasabing sangay ng J & T Express.

Ayon kay Gamboa, iimbestigahan din ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga sangay ng J & T Express sa mga lalawigan upang malaman kung mayroon ding mga paglabag o wala.

Mali po ba ang pagpapaimbestiga ng pangulo mismo ng Pilipinas sa J & T Express?

Hindi po ba kawawa ang mga may-ari ng J & T Express dahil tinanggalan sila ng negosyo ngayong patuloy na humahagupit ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, lalo na sa Metro Manila?

Hindi po ba napakalupit ng PNP dahil ipinasara ang J & T Express?

Hindi ba higit na kawawa ang mga manggagawa o empleyado ng J & T Express dahil nawalan sila ng trabaho sa panahong kailangan nilang kumita at ­buhayin ang kani-kanilang mga pamilya, lalo na ngayong patuloy na nambibiktima ang COVID-19?

Napakaraming tanong na nasagot nang dahil sa video ng taong nagmalasakit sa mga suki ng J & T Express.

Ang video sa barbarong paghawak ng mga padalang ipinagkatiwala ng kapwa nating mga Filipino sa J & T Express ang siyang “nagbigay daan” upang madiskubre ng PNP na mayroon palang nilalabag na mga batas ang nasabing kumpanya.

Alam na alam ng mga may-ari ng J & T Express na sa kanilang pagnenegosyo ay mayroon silang susundin at ipatutupad na mga batas.

Alam na alam din ng mga may-ari ng J & T Express na kapag hindi nila ipinatupad ang mga batas sa pagnenegosyo at pagpapatrabaho ay mayroong kaukulang parusa tulad ng pagsasara ng kanilang negosyo.

Ang problema sa Pilipinas ay napakaraming kapitalista, kabilang na ang mga oligarko, ang napakalakas ng loob na labagin ang mga batas sa pagpapatrabaho at pagnenegosyo.

Ngunit, kapag ipinasara makaraang madiskubre ang kaliwa’t kanang paglabag ay iwawasiwas sa publiko na walang awa ang pamahalaan dahil nawalan ng trabaho ang mga manggagawa dulot ng pagsasara.

Pokaragat na ‘yan! Nakabubuwisit!

Napakaraming mga kapitalistang Filipino ang walang takot na labagin ang mga batas sa bansa, lalo na mga batas na nagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa, sapagkat hindi ipinasasara ang

kanilang mga kumpanya dahil ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay madalas kumampi sa mga tusong kapitalista kaysa naagrabyado at tinarantadong mga manggagawa.

Napakaraming kumpanya sa Pilipinas na pag-aari ng mga d­ayuhan, ngunit hindi kinokompronta ng DOLE sa mga paglabag nito sa mga batas-paggawa tulad ng tamang pasahod, tamang benepisyo at pagtatayo ng unyon.

Kapag nagwelga o nagpiket ang mga manggagawang Filipino upang igiit, ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa, pero, sa halip na kampihan at tulungan sila ng

mga opisyal ng DOLE ay halos purihin at parangalan pa ng mga ito ang mga dayuhang sagad-saring tusong kapitalista.

Pokaragat na ‘yan! Nakabubuwisit talaga!

Kahit kailan, mali ang ginawa ng mga kapitalista na tahasang paglabag sa batas-paggawa tulad ng nadiskubre ng PNP sa J & T Express.

Ang pag-iimbestiga sa mga kumpanya ay trabaho ng DOLE, ngunit nakapagtatakang sa PNP ipinag-utos ni Duterte ang kaso ng J & T Express.

Ano kaya ang dahilan?

 

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA
188

Related posts

Leave a Comment