JET FUEL SISILIPIN, TARIPA SUSURIIN

SA hangaring protektahan ang interes ng gobyerno, tinungo kamakailan ng iba’t ibang kinatawan mula sa mga tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) ang Petron Bataan Refi­nery sa Limay, Bataan kung saan nakalagak ang mga inangkat ng A1 fuel na gamit ng mga sasak­yang himpapawid.

Partikular na tinutukan sa pagbisita sa pinakamalaking oil refinery facility sa buong bansa ang proseso sa daloy ng importasyon ng Jet A1 fuel.

Bago ang pagbisita sa Petron Oil Refinery facility sa baybaying lokalidad ng Limay, nagpulong sina Customs Deputy Collector for Administration Atty. Ruperto Bustamante, Deputy Collector for Operations Sergio Alvarado IV, SA1 Samuel Delos Santos and SG Jubilita Reyes mula sa Port of Limay, Engr. Vicente Cecilio Gallo, Amalia Apolonio, Lorna Morales at Melencio Araracap mula naman sa BOC-Port of NAIA.

Pagdating sa Petron Bataan Refinery, agad namang sinamahan nina PBR Operations Manager, Francis Reotutar, OM&S Terminalling Manager, Ronaldo Tadena, Refinery Finance Manager, Cecilia Sengia, at Safety Supervisor Nicanor Bantog ang mga opisyales ng BOC sa iba’t ibang pasilidad sa loob ng planta.

Matapos masilip ang aktuwal na oil refinery, nagsagawa rin ng joint conference kung saan ay tinalakay ang pakay ng pagbisita – para alamin ang daloy ng proseso sa importasyon ng Jet A1.
Dito na napagkasunduan ng BOC at PBR ang pagpapatupad ng isang “simplified process” kaugnay ng documentary requirements, business process and supply chain management, at iba pang kaugnay na kalatas hinggil sa pag-angkat ng mga Jet fuels – sa hangaring proteksyunan ang interes ng pamahalaan.

Sa pinag-isang pahayag, kinilala naman nina Port of Limay District Collector William Balayo at Port of NAIA District Collector Carmelita Talusan ang ipinamalas na kooperasyon ng Petron Bataan Refinery, sa hangarin ng gobyernong palakasin at pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor.

Una nang inalok ng negosyanteng si Ramon Ang sa gobyerno ang isang “buy-back option” na maglilipat sa pamahalaan ng kumpanyang Petron na ibinenta ng estado sa pribadong sektor sa ilalim ng Assets Privatization Program ng pamahalaan. (JO CALIM)

194

Related posts

Leave a Comment