SA GANANG AKIN ni JOE ZALDARRIAGA
UMANI ng iba’t ibang reaksyon lalo na sa social media, ang bagong slogan para sa pagsusulong ng turismo ng bansa na “Love the Philippines”.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, layunin ng bagong slogan na hikayatin ang bawat Pilipino na alalahanin ang ganda ng Pilipinas, balikan ang ating kasaysayan, at magbigay ng pag-asa para sa kinabukasan.
Bagama’t positibo ang layunin ng pagkakaroon ng bagong slogan, hindi maikakaila na nagkaroon ng bahagyang pagkalito patungkol sa mensahe nito batay sa magkakahalong komento at reaksyon mula sa iba’t ibang mga tao. May kritisismo man ang ilan, mayroon namang mga naglahad ng mungkahi para mas maging malinaw ito.
Isa kasi sa mga naging puna sa bagong slogan ay ang tila namimilit na tono nito na mahalin ang Pilipinas na para bang utos sa mga makababasa nito. Mungkahi ng mamamahayag na si Howie Severino, maaaring lagyan ng kuwit ang slogan para maging “Love, the Philippines” upang sa halip na utos ang dating ng mensahe, maging deklarasyon ito ng pagmamahal nating mga Pilipino.
Lahat naman tayo, bilang mga Pilipino, ay may kalayaan na magbahagi ng opinyon sa bagay na ito dala na lamang din ng matinding pagmamahal natin sa bansa at pagnanais na maipakita ang tunay na ganda nito sa iba.
Ayon nga kay Harold Geronimo, pangulo ng Public Relations Society of the Philippines o PRSP, marami nang makabagong paraan upang epektibong magamit ang mga slogan tulad ng “Love the Philippines” lalo na ngayon sa panahon ng social media.
Ngunit higit pa sa mabubulaklak na salita, napapanahon din na ipaalala na hindi limitado sa isang slogan ang pagsusulong ng turismo ng Pilipinas.
Sa pangkalahatan, marami pa ang dapat pagtuunan ng pansin para tunay na maipakita ang “Love the Philippines” sa mga turista—mula sa imprastraktura hanggang sa pag-iingat ng ating magagandang tanawin.
Una na rito ang pagtitiyak na maayos ang serbisyo sa ating mga paliparan—mula sa mga pasilidad nito hanggang sa pagpapanatili ng kalinisan—dahil ito ang unang makikita ng mga turista pagdating sa ating bansa. Malaking tulong din, hindi lamang sa turismo kundi sa kabuuang ekonomiya ng Pilipinas, ang patuloy na pagtatayo ng mga bagong kalsada at pagsasaayos ng ating pampublikong transportasyon upang mas maging mabilis, komportable, at kaaya-aya ang pagbiyahe sa loob ng ating bansa.
Ang pagsusulong ng turismo ng Pilipinas ay para sa Pilipino. Kaya naman, dapat tiyakin na kabahagi ang ating mamamayan dito sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa ating mga manggagawa sa usapin ng trabaho at kabuhayan sa industriyang ito.
Iba-iba man ang ating pananaw ngayon sa bagong slogan para sa pagsusulong ng turismo sa bansa, isa lang ang malinaw: lahat tayo ay gusto lamang ipagmalaki at ipakita na mahal natin ang Pilipinas.
1407