KINONDENA ng Malakanyang ang magkasunod na pagsabog sa bayan ng Jolo, Sulu ngayong araw ng Lunes na nagresulta sa pagkamatay ng nasa labing isa katao kabilang ang anim na sundalo
habang 40 ang sugatan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Malakanyang sa pamilya at mga mahal sa buhay ng mga namatay sa nangyaring trahedya.
Ang mga awtoridad, ani Presidential spokesperson Harry Roque ay kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon kabilang ang pag-identify sa mga indibidwal o grupo na nasa likod ng nangyaring pag-atake.
“We call on the residents of Jolo to stay vigilant and report suspicious personalities and unattended items in their areas,” ayon kay Sec. Roque.
Ayon kay Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao chief Police Brigadier General Manuel Abu, nangyari ang unang pagsabog sa Barangay Walled City
kaninang alas 11:40 ng tanghali.
Isang nakaparadang motorsiklo sa tabi ng military truck ng 21st Infantry Battalion ang sumabog sa Paradise Food Shop sa tabi ng isang computer shop.
Kasunod nito, naganap ang ikalawang pagsabog sa harap naman ng DBP bank na nasa kabilang kalye lamang mula sa unang pagsabog.
Naganap ito habang kinokordonan ng mga pulis ang area dahilan para masugatan ang ilang miyembro ng police force.
Hindi pa tukoy ng mga otoridad kung sino ang nasa likod ng magkasunod na pagsabog at hindi pa rin nila nilalabas ang pangalan ng mga biktima at mga nasugatan.
Inaalam din ng mga otoridad kung may kinalaman ito sa pag-aresto sa sub-leader ng Abu Sayyaf Group kamakailan at kung anong uri ang ginamit na pampasabog.
Samantala, Kinondena rin ni Senador Christopher Lawrence Go ang insidente.
Aniya, hindi katanggap-tanggap na sa kabila ng ginagawang pagpapabuti ng kabuhayan ng administrasyong Duterte sa Mindanao ay may ilan ang nais pa ring gumawa ng kaguluhan.
“I condemn in the strongest possible terms these terrorist bombings that occurred in Jolo, Sulu,” ayon kay Go.
“I call on all agencies of government to ensure that those responsible for these acts of terrorism are held accountable for their actions. Bigyan natin ng hustisya ang mga inosenteng buhay na nawala dahil sa walang saysay na terorismo,” aniya pa. (CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL)
166 