JUNJUN MARCOS ‘DI PA LIGTAS SA PEOPLE POWER

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNDI man tuluyang napababa sa Palasyo ng Malakanyang si Pangulong Bongbong “Junjun” Marcos sa isinagawang malawakang kilos-protesta noong Linggo, Setyembre 21, 2025 ay hindi pa rin siya nakatitiyak na matatapos niya ang kanyang termino hanggang taong 2028.

Bakit kamo? Anomang oras mula ngayon ay maaaring muling magkaroon ng malawakang kilos-protesta sa sandaling walang makikita ang taumbayan na may maparurusahan sa mga nagkasala sa flood control project scam.

Nakatutok ang mga Pilipino sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at kung makikita ng publiko na pipiliin lang ang kanilang pananagutin sa mga nasasangkot sa katiwalian ng flood control projects, ay hindi sila magdadalawang-isip na muling dumagsa sa mga kalye para ipanawagan ang “Marcos Resign”.

Hindi na katanggap-tanggap sa mga Pilipino ang sobra-sobra nang katiwalian sa gobyerno. Kung dati ay may mga proyekto pa silang nakikita, ngayon ay wala na talaga, ghost project na.

Hindi sapat na magbitiw lang si House Speaker Martin Romualdez, kung may pagkakasala siya ay patawan ng pinakamabigat na parusa, bilyong piso ang pinag-uusapan dito.

Pwersahin na ring pauwiin si Ako Bicol Party-list Zaldy Co at nang magkaalaman na kung sino ang nasa likod niya.

At hindi rin ligtas sa pananagutan si Junjun Marcos dahil pinirmahan niya ang pinakakorap hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo na 2025 National Budget.

Hindi pa man pinipirmahan ni Junjun ang panukalang 2025 National Budget ay may nasilip nang mga blangko, ngunit ipinagpatuloy pa rin niya itong lagdaan hanggang sa maging batas.

Ngayon maghuhugas-kamay siya, ituturo niya ang iba na may kasalanan.

Sabi tuloy ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson, may alzheimer na si Junjun, naging makalimutin na.

Sabi naman ni Anjo Yllana, si Junjun ang pinakamalinis na naging presidente ng Pilipinas dahil lagi siyang naghuhugas-kamay. Hahaha!

Pero, teka parang nabahag ata ang buntot ni Junjun dahil pinabalik niya ang P60 bilyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na dati nang inilipat sa national treasury.

Baka kasi makalkal pa sa isinagawang kilos-protesta na lalong magpapagalit sa mga Pilipino.

Ngayon Junjun, paano mong ipababalik ang nawalang bilyun-bilyong pisong pondo na nawaldas sa flood control project scam?

Sa natitira mong tatlong taong panunungkulan, baka isa sa mga mambabatas ay wala kang maipakulong.

Kundi baka pagkatapos ng termino mo, ikaw na lang ang ipakukulong ng papalit sayong presidente.

Hindi makapapayag ang mga Pilipino na walang mananagot sa inyo, ngayon kasi kanya-kanya kayong turuan, pilit niyo lang idinidiin ang mga engineer ng DPWH at mga kontratista.

Makagagawa ba sila ng mga proyekto kundi ninyo sila binigyan ng pondo? Ginawa n’yo nga lang silang mga legman o bagman, ayon kay Senator Panfilo Lacson.

Heto namang makabayan bloc, hindi natin maintindihan kung saan sila papanig. Hindi ba kayo kasama sa mga ninakawan o binabaha?

Sabagay, ayon kay Quezon City Cong. Franz Pumaren, ngayon lang siya nakatanggap ng bilyun-bilyong pisong budget mula kina Martin Romualdez at Junjun.

Ayon naman kay Batangas 2nd District Representative Jinkee Pacquiao, este mali, Jinky Luistro pala, kung hindi dahil kay Speaker Martin Romualdez ay walang kalsada, AKAP, AICS, at TUPAD sa kanilang lugar.

Super galante pala itong si Martin Romualdez kaya hindi nakapagtataka na sa kanyang paglisan bilang House Speaker ay pinahabulan pa siya ng House Resolution No. 287 na pinupuri siya ng kanyang mga kasamahan. Paldo sila?

Ang House Resolution No. 287 ay pinangunahan ng kanyang pamangkin na si Ilocos Norte Rep. Zandro Marcos na anak naman ni Junjun, sinuportahan ito nina Eastern Samar Rep. Marcelino Libanan, Rep. David “Jayjay” Suarez, Rep. Janette Garin, Rep. Yasser Alonto Balindong, Rep. Francisco Paolo Ortega, Rep. Jefferson Khonghun, Rep. Kristine Singson-Meehan, Rep. Ronaldo Puno, Rep. Faustino “Bojie” Dy III, Rep. Ferjenel Biron, Rep. Raymond Democrito Mendoza at Rep. Yevgeny Vincente Emano.

Naku mga bossing, lumutang kayo, baka mapuntahan ng ICI ang inyong mga distrito at matingnan kung anong mga proyekto mayroon kayo. Wrong timing ata ah?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

152

Related posts

Leave a Comment