1K SILID-ARALAN NA GAWA NG DPWH ‘DI MAGAMIT?

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI lang pala flood control projects ang pinaglaruan ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi maging ang mga silid-aralan sa mga public school sa iba’t ibang lugar sa bansa. Tse! Tse! Tse!

Nadismaya si Senator Win Gatchalian nang matuklasan ng Department of Education (DepEd) na may 1,000 silid-aralan na itinayo ng DPWH ang hindi magamit.

Ayon kay Gatchalian, nakagagalit na matuklasan ito sa gitna ng matinding kakulangan sa classroom at mga ulat ng malawakang korupsyon sa infrastructure projects ng pamahalaan.

“These findings affirm the direction we plan to take: the DPWH will no longer have the sole authority to build classrooms,” giit pa niya.

Aniya, sa gitna ng lumalalang kakulangan ng mga silid-aralan, dapat tiyakin na ang pondo para sa edukasyon ay nagagamit nang maayos at napakikinabangan ng mga mag-aaral.

“Moving forward, we will ensure that DepEd will be able to tap different modalities to promote efficient spending and guarantee classrooms that truly serve our learners,” dagdag pa ni Gatchalian, na nangakong magsusulong ng mga reporma upang hindi na maulit ang ganitong mga pagkukulang.

Layunin ng hakbang na ito na mas mapabilis ang pagpapatayo ng mga dekalidad na silid-aralan at maiwasan ang mga proyekto na nauuwi sa pagkasayang ng pondo at oras.

Sukdulan na ang kasamaan ng mga opisyal ng DPWH na pati ba naman mga silid-aralan ng mga batang mag-aaral ay pinaglaruan nila.

Kaya hindi tayo magtataka na bagsak ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa dahil sa mga bulok na pag-iisip ng mga taga-DPWH na pati ang mga silid-aralan ay pinaglaruan ng mga ito.

Mister Secretary Vince Dizon, sir, umaasa ang taumbayan sa inyo na kayo ang maglilinis sa iniwan na mga bulok na sistema ng mga opisyal riyan sa DPWH.

Grabeng perwisyo ang ginawa sa taumbayan ng mga opisyal ng DPWH, nawalan na ng buhay, kabuhayan, ari-arian pati ba naman ang edukasyon ng mga Pilipino ay pinaglaruan pa nila.

Dahil sa mga guni-guni o ghost sa flood control projects, nasira ang mga sakahan na habangbuhay nang ‘di matataniman ng palay dahil pinasok na ng buhangin ang mga ito.

May mga nagbuwis ng kanilang buhay, nawasak ang kanilang bahay at kagamitan dahil diretso na ang tubig-baha sa mga kabahayan, sapagkat walang nagawang flood control project.

Kaya hindi sapat na tanggalin lang sa kanilang mga pwesto ang mga sangkot sa flood control project anomalies kundi patawan ng pinakamabigat na parusa na maaaring maging leksyon sa iba pang mga tao para hindi na ito mauulit.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

48

Related posts

Leave a Comment