JUSTICE FOR GWENN

POSIBLENG pinalabas lamang na holdap ng isang hinihinalang hired killer na bumaril at nakapatay sa Saksi ­Ngayon advertising manager na si Gwenn Salamida noong Martes sa beauty salon ng biktima sa Kaingin Road corner EDSA, Quezon City, ang insidente upang mailigaw ang imbestigasyon sa tunay na motibo nito.

Ang biktima kasama ng kanyang kinakasama ay nagtungo sa kanilang business establishment upang maglinis at pag-handaan ang muling pagbubukas ngayong malapit nang matapos ang lockdown sa buong NCR.

Ayon sa nakasaksi sa krimen, isang riding in tandem ang pumarada sa harap ng salon hanggang pumasok at agad na pinaputukan sa ulo si Salamida at kanyang live in partner na tinamaan sa leeg at kamay na ngayon ay stable na at nagpapagaling sa ospital.

Nakalulungkot isipin na sa panahon ng ­pandemya, sa kaguluhan at kagutuman na nararanasan sa buong mundo ay mayroon pa ring mga halang ang kaluluwa na papatay ng mga inosenteng tao magkapera lamang.

Naiwan ng biktima ang dalawa nitong anak na parehong maliliit pa.

Kung sino ka mang hinayupak ka, hindi ka man mahuli at maparusahan sa batas ay hindi ka makatatakas sa batas ng Diyos at karma na ­maaaring mangyari sa iyong pamilya.

Sana’y maging mas malalim pa ang ­maging imbestigasyon dito ng Quezon City Police Criminal Investigation Unit at tingnan ang iba’t ibang anggulo kahit sino pa ang makapangyarihan ang posibleng sangkot sa krimen.

Matatandaan, dalawang taon pa lamang ang nakararaan ay binaril at napatay rin ang dating kasamahan ni Salamida noong editor pa ito ng isang daily tabloid, na si Adam Moraleta sa nabanggit na lungsod.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

120

Related posts

Leave a Comment