NANAWAGAN si Senador JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sugpuin ang ilegal na paggamit ng wang-wang at mga blinker sa mga kalsada.
Sinabi ni Ejercito na nawala na ang mga wang-wang at blinkers noong panahon ng yumaong Pangulong Benigno Aquino III subalit muli itong namamayagpag ngayon.
“Sana ipagbawal ni PBBM mga naka blinkers, wang wang at may mga escorts na naka-wangwang,” pahayag sa twitter ni Ejercito.
Napansin pa niya na ginagamit ang wang-wang at blinker para maunahan ang mga motorista sa kabila ng kautusan na dapat limitahan lang ang paggamit nito para sa mga emergency responder at ilang mga opisyal ng pamahalaan.
Iginiit ng senador na sa kanyang pagkakaalam ang Pangulo, gayundin ang Vice President, Senate President, House Speaker at Supreme Court Justices lamang ang entitled para sa motorcycle escort convoy.
Binigyang-diin ng mambabatas na minsan na itong naipatupad kaya’t umaasa siyang maisasagawa rin ito ng kasalukuyang administrasyon. (DANG SAMSON-GARCIA)
