(NI BERNARD TAGUINOD)
LALONG sumama ang imahe ng K-12 program ng Department of Education sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) na isinagawa noong 2018 kung saan kulelat ang mga estudyante sa Pilipinas.
Sa press conference nitong Huwebes sa Kamara, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro na kailangan na talagang rebyuhin o kaya tuluyang alisin ang K-12 program dahil imbes na umayos ang sistema ng edukasyon sa bansa ay mistulang lalong sumama pa umano ito.
“Kung hindi akma ang K-12 na ito, bakit hindi irepeal,” ani Castro na ang grupo nito ay matagal nang nanawagan na rebyuhin at amyendahan ang K-12 program dahil sa nakakadismayang resulta aniya ng PISA.
Lumabas sa PISA na ika-79 ang mga estudyanteng Pinoy sa 79 bansa na sumali dito sa reading comprehension o pag-unawa sa kanilang binbasa habang ika-78 naman pagdating sa Science at Mathematics.
Sa panig ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, sinabi nito na kung ganito ang resulta ng PISA ay hindi pa rin aasenso ang mga estudyante Filipino kahit mag-aral pa ang mga ito.
“Sabi nila, ang edukasyon ang magpapalaya sa mamamayan sa kahirapan. . Kung ganyan naman ang kalidad ng edukasyon hindi sila lalaya sa kahirapan. Most likely ang matatanggap kung may trabaho man ay yung low paying quality jobs,” ani Gaite.
Dahil dito, kailangan umanong magpaliwanag si Department of Education (DepEd) kung bakit imbes na gumanda ang kalidad ng edukasyon dahil sa nasabing programa ay lalo pang bumabagsak ito.
264