Kaanak ng Missing Sabungeros inip na DOJ KINALAMPAG PARA SA AGARANG HUSTISYA

KASABAY ng paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa, sumugod kahapon sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaanak ng Missing Sabungeros upang kalampagin ang kagawaran at igiit na bilisan ang paglabas ng resolusyon sa kaso ng kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Bitbit ang galit at panawagan para sa hustisya, inihayag ng mga pamilya ang labis na pagkadismaya sa umano’y kabagalan ng proseso ng DOJ. Hiling nila na agad mapanagot ang mga itinuturong sangkot sa krimen, kabilang si gaming tycoon Charlie “Atong” Ang, celebrity Gretchen Barretto, at iba pang personalidad.

Sa harap ng kagawaran, nagsagawa sila ng prayer vigil upang ipanalangin ang mga kaluluwa ng mga biktima—ilang araw bago ang Undas. Dalangin din nila na tuluyan nang mabigyan ng hustisya ang mga pinaslang ng mga “namamunong nilalang sa sugal na sabong.”

Umani ng pansin ang ilang galit na kaanak matapos batuhin ng itlog at kamatis ang tarpaulin na may mukha ni Ang na nakasabit sa bakuran ng DOJ. Ayon sa Justice for Missing Sabungeros Network, umaasa silang makukulong ang mga sangkot, kabilang ang itinuturong mastermind na si Ang.

Samantala, napansin din ng mga nakasaksi ang isang lalaki at babae na nagsuot ng maskara na may mukha nina Ang at Barretto—isang tahasang simbolo ng kanilang panawagan para sa pananagutan.

Matatandaang noong nakaraang linggo, tinapos na ng DOJ ang preliminary investigation matapos magsumite ng counter-affidavit ang karamihan sa mga akusado, kabilang sina Ang at Barretto.

(JULIET PACOT)

17

Related posts

Leave a Comment