CAVITE – Arestado ang tatlong Chinese national dahil sa puwersahang pagpapatrabaho at pagmamaltrato sa dalawa nilang kababayan, makaraang makatakas ang isa sa mga biktima sa Bacoor City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Inaresto ng mga awtoridad sina Wen Bo Zhou, Hanlu Chen, kapwa lalaki at Bing Bing, babae, dahil sa reklamo ng biktimang si Tao Zhang, 23-anyos.
Ayon sa ulat ni Pat. Marco Romero Cupo, ang biktima, kasama si Zhao Qinglin, 25, ay puwersahan umanong pinagtatrabaho sa Shuang Ma Enterprise sa Brgy. Niog 3, Bacoor City, Cavite habang pinagbabantaan na babarilin kung hindi sila susunod sa utos ng mga suspek.
Gayunman, nakatakas si Tao Zhang at humingi ng tulong sa security guard ng Shuang Ma building kung saan naharang ang sasakyan ng mga suspek habang papalabas dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Nakuha sa sasakyan ng mga suspek ang pinatuyong dahon ng marijuana na pag-aari umano ni Wen, habang isang baril na Pieto Beretta na may limang bala ang nakumpiska mula kay Hanlu.
Hinihinalang may kaugnayan ito sa kaso ng isa ring Chinese na si Jain Liu na matapos kikilan ng kanyang dalawang kababayan ay ibinenta sa Xinchuan Technology na siyang tumulong sa biktima para magreklamo sa AKG sa Camp Crame. (SIGFRED ADSUARA)
198 