DETERMINADO si Sen Panfilo Lacson na tanggalan ng pondo sa 2021 proposed national budget na inaprubahan ng House of Representatives ang mga tinukoy nitong corrupt-ridden at skeleton multi-purpose building projects upang ilipat ang budget sa rehabilitasyon ng mga Local Government Unit (LGUs) na hinagupit ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Lacson, may P68 billion allocations ang natukoy nitong kuwestiyunableng proyekto sa inaprubahang budget ng Kamara, sa nasabing halaga ay isusulong nitong gamitin ang P20B para pondohan ang rehabilitasyong gagawin ng LGUs.
Katwiran ni Lacson, tama lamang na gawin ang realignment dahil ang National Expenditure Program (NEP) ay nagawa bago pa man ang pananalasa ng mga bagyong Rolly, Quinta at Ulysses.
“Local multi-purpose buildings (MPBs), which have a proposed appropriation of P68B for 2021, are merely duplications of programs not to mention those projects being convenient sources of corruption. If we augment the appropriations for local government units especially those hit by the typhoons, then they could very well rehabilitate and recover,” ani Lacson.
Samantala, ang iba pang pondo ay iminungkahi ni Lacson na mailipat sa national broadband program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Bukod sa mga kuwestiyunableng proyekto na pinondohan sa P4.5 trillion 2021 national budget ay una na ring ibinunyag Lacson ang hindi patas na hatian ng alokasyon sa mga infrastructure budget ng mga kongresista na ang pinakamalaki umano ay mula sa distrito sa Davao, Benguet, Albay at Abra.
Tikom at wala pang ipinalalabas na reaksyon ang tanggapan ni House Speaker Lord Allan Velasco sa naging rebelasyon ni Lacson habang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at ACT CIS Party-list Rep. Eric Yap na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang siyang nagprograma ng infrastracture projects kaya ito ang nasa tamang posisyon na sumagot sa
usapin.
Matatandaan na sa naging House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan ng mga ito si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas.
Kasunod ng pagpapalit ng liderato ng Kamara ay naipasa ang proposed 2021 budget sa ilalim ng pamumuno ni Velasco.
