HINDI tatanggap ng Social Amelioration Program ang mga taga Iligan city at Lanao del Sur ngayong isinailalim silang muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ) dahil sa pagtaas ng kaso doon ng COVID-19.
Sinabi ni Department of Social Welfare & Development Usec Glen Paje na maaari silang makapag-avail ng iba pang programa ng ahensya maliban na nga lamang sa SAP.
Paliwanag ni Usec Paje, ang Bacolod lamang na pasok din sa MECQ ang kasama sa 2nd tranche ng SAP base sa nakasaad sa Executive Order No. 112 na may petsang May 1, 2020.
Bagama’t nais nilang matulungan ang mga low income families na nakatira sa Iligan city at Lanao del Sur ay hindi sila sakop ng second tranche ng SAP.
Kasunod nito, sinabi ni Usec Paje na maaari pa rin silang mag-avail ng ibang programa ng DSWD tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation kung saan maaaring matulungan ang mga apektadong residente ng medical assistance, burial assistance, educational assistance kasama rin ang social pension para naman sa mga indigent senior citizens.
Paliwanag nito, ang DSWD Field Office X at DSWD Field Office XII ay nakahandang umalalay at magbigay ng resource augmentation base na rin sa magiging request ng pamahalaang lokal ng nasabing lugar.
Samantala, personal na nagtungo sa Bacolod City si contact tracing czar at Baguio city Mayor Benjamin Magalong kasama sina National Task Force against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez at testing czar sec. Vince Dizon.
Ayon kay Magalong, layon ng kanilang pagtungo sa Bacolod ay upang makita ang totoong sitwasyon doon matapos itong muling isailalim sa MECQ dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Magalong, napakahalaga na maobserbahan ang kalagayan sa Bacolod upang malaman kung ano ang mga kailangang matugunan para mapababa ang Covid cases sa lalawigan.
Dagdag pa ni Magalong, aalamin din nila mismo sa lokal na pamahalaan ng Bacolod kung ano ang mga tulong na maaaring maibigay ng national government upang epektibong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng mga nahahawaan ng virus sa
nabanggit na lugar. (CHRISTIAN DALE)
126
