NEGATIBO sa paraffin test ang pitong pulis na persons of interest sa pamamaril kay Albuera, Leyte Mayoralty candidate Kerwin Espinosa, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Col. Randulf Tuaño.
Sa isinagawang press briefing Martes ng hapon sa Kampo Crame, sinabi ng opisyal na hindi porke negatibo sila sa paraffin test ay lusot na sila sa kaso dahil maraming pamantayan na maaaring magnegatibo kahit nagpaputok ng armas.
Kabilang dito ang pagsusuot ng gloves, paghuhugas ng kemikal upang maalis ang gun powder burns sa kamay at ang pagsusuot ng long sleeves.
Nananatiling under restrictive custody ang pitong pulis na nahaharap sa reklamong illegal possession of firearms makaraang makuhanan ng sampung baril, siyam dito ang hindi rehistrado o walang papel.
Samantala, kinumpirma ni Tuaño, na pagmamay-ari ng isang politiko ang compound kung saan naabutan ang pitong pulis na itinuturing na persons of interest sa pamamaril kay Espinosa.
Subalit nakiusap ang opisyal na huwag na munang ilabas ang pagkakakilanlan ng nasabing politiko habang patuloy ang imbestigasyon.
Matatandaan nitong Abril 10 ng hapon ay pinaputukan si Espinosa habang nangangampanya sa covered court sa Albuera, Leyte kung saan tinamaan ito sa dibdib habang 2 iba pa ang nadamay.
Matapos ang pamamaril ay isang SUV ang mabilis na umalis sa pinangyarihan na agad namang hinabol ng mga pulis mula sa Albuera Municipal Police Station (MPS) at doon inabutan sa isang compound na pag-aari ng isang politiko ang pitong pulis.
(TOTO NABAJA)
