TINATAYANG umabot sa P210,000 halaga ng kahon-kahong smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng Philippine Coast Guard sa isang pampasaherong barko mula sa Port of Siasi, Sulu.
Base sa ulat ng PCG, ang naturang kargamento ay nadiskubre nila habang iniinspeksyon ang inabandonang mga bagahe na sakay ng MV Ever Queen of the Pacific na bumibiyahe mula Port of Siasi papuntang Port of Zamboanga.
Dito ay natuklasan ang mga smuggled na yosi na nasa mga kahon at nakalagay sa isang malaking bag, makaraang buksan ng mga tauhan ng PCG, na naglalaman ng 300 ream ng sigarilyo na hinihinalang ilegal na inangkat sa bansa.
Agad itong kinumpiska ng PCG para i-turnover sa Bureau of Customs (BOC).
Isasailalim sa imbestigasyon ang nakumpiskang mga sigarilyo para malaman ang mga suspek sa likod nito. (RENE CRISOSTOMO)
