THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
KUNG hindi ka pa galit, bakit?
Grabe nitong nakaraang linggo ang mga rebelasyon kung nasubaybayan ninyo ang nangyayaring pagdinig na ginawa ng Senado at Kamara tungkol sa kontrobersyal na flood control projects at mga kontraktor.
Nung nakatuon ang galit sa mga pinangalanang kontraktor at mga pamilya nila, pero mas dumarami pa ang mga lumalabas na may kinalaman sa malawakang korupsyon na bumabalot sa mga proyektong ito.
Kahit siguro hindi mo ito subaybayan, makikita mo rin sa balita at social media ang sandamukal na post na tungkol sa mga nagiging pagdinig at pati na rin ang pag-alma ng mga natutukoy na personalidad na sangkot sa malalang kultura ng korupsyon.
Bilang ordinaryong mamamayan, may pakiramdam na matinding galit at pagkadismaya. Kahit pa siguro alam naman ng nakararami na kung ano man ang nakikita o napapanood natin, maaaring hindi naman totoo lahat. Sa sitwasyon ngayon, kanya-kanyang pagmamalinis at pagprotekta sa kanilang mga kasamahan ang nangyayari.
Pero alam mong matindi na ito dahil pati nga ‘yung mga hindi naman masyadong nakikialam, nakikita mong nagagalit na. At hindi lang ‘yan, napakarami nang boses at resibo – o pictures at videos na lumalabas na nagpapasinungaling sa mga nadadawit sa isyu.
Sa ngayon, kailangan natin maging mas mapanuri at manawagan para sa pananagutan. Sobrang malawakan na ang korupsyon at hindi tayo dapat madala sa mga palabas.
Nakakasa na ang ilang kilos protesta na nagsimula ngayong linggo pero hindi pa masyadong iniinda ng mga inihalal nating lider ng lipunan at mga tinatawag nating public servants.
Hindi dapat maliitin o palipasin ang matinding kontrobersyang ito.
Makikita natin ang kawalan ng pasensya at matinding galit ng mamamayan, hindi lamang dito sa Pilipinas. Sa bansang Nepal, nagsimula sa simpleng panukalang ipagbawal ang social media platforms ang nangyayaring ‘Gen Z protests’ pero mabilis itong naging mas malaki at umikot na ang galit ng mga kabataan laban sa korupsyon, nepotismo, at kawalan ng oportunidad. Nagkaroon na ng dahas at may mga nasawi na rin kaya napwersa na ang pamahalaan na makinig.
Ganito rin ang nangyari sa Indonesia, sumiklab ang mga kilos-protesta matapos mabunyag ang labis na pribilehiyo ng mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng pagdurusa ng mga ordinaryong mamamayan.
Malinaw na nagbubunga ng kawalan ng tiwala at maaaring magresulta sa gulo ang kawalan ng transparency at accountability at kapag nagising ang mamamayan, walang propaganda o pananakot na makapipigil sa kanila.
Dito sa Pilipinas, nagsimula lang sa usapin ng kapalpakan at kawalan ng epektibong flood control at ngayon nasiwalat ang matinding korupsyon – nagkaroon ng mga mukha, mga pangalan, mga sistema o tawag nila ‘SOP’ kung saan makikita ang sabwatan ng mga pribadong kontraktor at ng mga politiko.
Nasa flood control projects pa lang tayo na dapat pinakikinabangan ng mamamayan dahil pinopondohan ng napakamahal na buwis na kinokolekta sa atin. Paano pa ‘yung ibang proyekto, ano pang ‘SOP’ ang mayroon at gaano ba talaga kalawak ang nangyayaring kawalang-hiyaan.
Welcome development naman ang kakaanunsyo lamang ng Malacañang na pagtalaga kina dating DPWH officials Babes Singson, Rosanna Fajardo at Benjie Magalong bilang bahagi ng Independent Commission for Infrastructure na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control project.
Dapat patuloy tayong makialam – magbantay, magtanong, at manawagan para sa pananagutan. Kasama tayo sa talagang talo rito, kaya dapat, hindi natin ito ipagsawalang bahala.
